NASA kritikal na kondisyon ang isang fruit vendor matapos saksakin ng kanyang biyenang lalaki kasunod nang kanilang mainitang pagtatalo sa Panghulo, Malabon City, Huwebes ng gabi.
Nakaratay at inoobserbahan sa San Lorenzo Ruiz Women Hospital si Rolando Rafanan, 36-anyos, may-asawa at taga-Molawin St., ng nasabing barangay sanhi ng isang malalim na tama ng saksak sa tiyan.
Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation si Romeo Nicomedez, 60-anyos, pedicab driver, ng nasabi ring barangay, na ngayon ay at nahaharap sa kasong frustrated parricide.
Base sa pinagsanib na imbestigasyon nina SP01 Eduaedo Tribiana at P02 Jun Belbes ng Station Investigation Division ng Malabon police, dakong alas-9:00 ng gabi ng maganap ang insidente sa bahay ng suspek.
Kapwa lasing ang dalawa at sa hindi malamang dahil ay nagtalo hanggang sa kumuha ang suspek ang kutsilyo sa kusina at sinaksak ang manugang sa tiyan.
Agad na dinala sa ospital ang biktima ng kanyang bayaw habang tumakas naman ang suspek na nahuli sa follow up operation ng awtoridad.