ISANG dating preso sa New Bilibid Prison (NBP) kasama ang 4 na iba pa na pawang sangkot sa illegal drugs ang inaresto ng operation ng Task Force Anti-Illegal Drugs ng National Bureau of Investigation (NBI-TFAID) sa Hagonoy, Bulacan.
Iniharap sa media ang mga suspek na sina Antonio Lascano DelaCruz Sr., Antonio Lascano DelaCruz, Jr., Gilbert Montemayor Bondoc, Ralph Cruz Paule at Jeric Mariano Lascano.
Sa imbestigasyon ng NBI, isinisilbi ang search warrant laban kay Lascano Dela Cruz, Sr. kahapon sa kanyang tahanan sa Hagonoy, Bulacan kung saan isinasagawa ang illegal drugs trade ng suspek.
Ayon sa NBI, dati nang nakulobg sa NBP si Lascano Dela Cruz Sr lider ng Sigue Sigue Sputnik Gang at pinalaya noong 2011 matapos na mapagsilbihan ang 10 taong parusa dahil sa kasong frustrated homicide.
Sangkot sa illegal drugs mula 1980 si Lascano Dela Cruz Sr., at gamit bilang front ng shabu trade ang 5-ektaryang fishpond sa Taytayin, Hagonoy.
Bukod dito, kilala rin umano si Lascano Dela Cruz Sr bilang AFP Colonel dahil palaging nakasuot ng uniform ng militar at de-baril. Nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang P400,000 halaga ng shabu, 13 firearms kasama na rito ang 12 gauge shotgun, browning cal. 9mm, at bersa mini thunder cal.40 at mga bala,
Nadakip naman ang apat pang suspek dahil sila ay naaktuhan sa paggamit ng bawal na droga.
Tinangka pa umano ng mga suspek na tumakas ngunit sila ay nahuli rin ng mga operatiba ng ahensya.
Isinalang na sa inquest proceedings sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN