BINITBIT ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nagpapatupad ng kaayusan sa mga pila ng mga naghahain ng kanilang Certificate of Candidacy sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Arroceros sa Ermita, Maynila ang isang lalaki na umano’y nakainom ng alak.
Ito ay matapos muntikan na umanong masagasaan ni Alexander Chiang Arcenal, 46-anyos, residente ng Quezon City ang hilera ng mga nakapila.
Minamaneho umano ni Arcenal ang kulay puting Subaru na SUV na may plakang ALA 4602 nang mangyari ang insidente pasado alas-7 kaninang umaga.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Ronald Magpantay, nagtuloy-tuloy ang sasakyan ng suspek sa hanay ng mga nakapila sa Comelec.
Sinita ng mga pulis na naroon sa lugar ang suspek at nang buksan ang bintana ng sasakyan ay nangamoy alak.
Inihahanda pa ang kasong maaring isampa laban sa suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN