LABING APAT na katao ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District sa isinagawang pagsalakay sa magkahiwalay na drug den sa Paco at Tondo, Maynila.
Target sa operasyon ng drug enforcement team si Gerald Mark Lara alyas Jay-Jay na naaresto sa isang bahay sa Pedro Gil St., sa Paco.
Si Lara ay itininuturong notoryus na nagbebenta ng droga sa kanilang lugar.
Arestado rin ang dalawa niyang tiyuhin matapos mahulihan ng .38 kalibre ng baril na kargado ng bala at replica ng baril.
Bukod dito, may nakuha ding sachet ng shabu na may street value na P60,000 sa kanilang bahay.
Napag-alaman din na may pending warrant of arrest si Lara sa kasong kidnapping at dati na nakulong sa kasong robbery ayon na rin sa isinagawang background check ng pulisya.
Itinanggi naman niyang sangkot siya sa droga maging ang dalawa nitong tyuhin ay itinangging may nakuhang baril at shabu sa loob ng kanilang bahay.
Samantala, 11 iba pa ang naaresto ng naman sa Tondo, Maynila sakop ng MPD-Station 1 matapos maaktuhang gumagamit ng droga sa isang barung-barong na dalawang taon na umanong ginagawan drug den .
Sasamapahan ng kaukulang kaso ang mga naarestong suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN