PORMAL na ipapatupad ng Local Government Unit (LGU) ng Navotas matapos na mapirmahan ni Mayor John Rey Tiangco ang Implementing Rules and Regulations para sa City Ordinance 2017-16 o Disciplinary Hours sa Lungsod para sa Minors mula alas 10:00 ng gabi hanggang sa alas 4:00 ng madaling-araw.
Ang ordinansang ito ay nagbabawal sa mga kabataang 17 taong gulang pababa na lumaboy sa lansangan o manatili sa mga pampublikong lugar ng ganoong mga oras kung wala silang makatuwirang dahilan.
Labag din sa ordinansang ito na sadyang payagan ng magulang o hayaan—dahil sa kawalan ng kontrol—ang kanilang anak na abutan ng disciplinary hours na nakatambay lang sa mga pampublikong lugar.
Gayunpaman, hindi saklaw ng ordinansang ito ang mga batang nasa kalsada pero kasama ang kanilang magulang o guardian; mga dumalo sa opisyal na aktibidad ng paaralan, simbahan o komunidad; mga nagtatrabaho; o sangkot sa aksidente o emergency.
Sinuman ang lalabag sa ordinansang ito ay papatawan ng karampatang parusa. ROGER PANIZAL