TINUTUNTON na ngayon ng pulisya ang kinaroroonan ng dalawang presong rapist na nakatakas sa Camarines Sur Jail nitong nakaraang Biyernes lamang (Abril 12).
Dahil may panganib na dala, nagbuo na agad ang Tigaon PNP ng dalawang police tracker teams para tugisin ang mga presong sina Josue Briones, 36-anyos at Luis Guerrero na kapwa tubong Camarines Sur at may kasong rape.
Sa imbestigasyon, bago ang pagpuga ay nagpaalam sina Briones at Guerrero na gagamit lamang ng banyo ngunit natagalan sa loob ng palikuran.
Kinutuban, sinundan ng mga jail guard ang mga preso pero wala na ang dalawa sa loob ng banyo.
Sa pag-iimbestiga, napag-alaman na dumaan ang mga preso sa banyo at saka umakyat sa bakod upang makalabas mismo sa compound ng nasabing kulungan.
Inaalam na rin kung paano nakatakas ang dalawa sa loob ng kanilang selda habang tiniyak naman na may mananagot sa pangyayari.