KALABOSO ang dalawang babae na hinihinalang may kinalaman sa pagpapakalat ng pekeng 1,000 piso makaraang arestuhin ito ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya matapos ireklamo ng mga vendors sa Aliwan Fiesta nang mabuking nila na peke ang kanilang ibinabayad kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession & Uses of False Treasury of Bank Notes ang mga suspect na sina Mylen Gellado, 30 at Cathy Bautista, 26, kapwa residente ng 54 Kasayahan St., Brgy Batasan Hills, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Pasay city police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, nadakip ang dalawa matapos magreklamo sa mga security guard ng Aliwan Fiesta Festival sa CCP Complex ang mga vendors na binayaran ng mga suspect ng pekeng P1,000 sa kanilang mga pinamili.
Dakong alas-10:50 ng gabi nang magkaroon ng kaguluhan sa naturang festival nang komprontahin ni Joie Ric Ava, 34 ang dalawa dahil sa pagbabayad ng apat na pirasong pekeng 1,000 bill sa biniling mga native products sa kanyang tindahan.
Habang nagaganap ang komprontasyon, ilan pang mga vendors ang nagsumbong sa mga security guard matapos matuklasan na peke rin ang ibinayad sa kanila ng dalawa. May kabuuang 12 piraso ng pekeng 1,000 ang nakumpiska sa mga suspect na pare-pareho ang serial numbers.
Kasalukuyang isinasailalim pa sa interogasyon ang mga suspect upang alamin kung saan nila kinukuha ang mga pekeng salapi habang ang mga nakumpiskang pekeng salapi ay isusumite sa Bangko Sentral ng Pilipinas.