ARESTADO ang dalawa sa tatlong lalaki na miyembro umano ng Salisi Gang matapos tangayin ang halos kalahating milyung pisong pera at mga gamit ng dalawang Koreano sa Malate, Maynila.
Nadakip nang pinagsanib na puwersa ng pulisya at mga tanod ng Barangay 719 Zone 78 at Community Police Station 9 ng Manila Police District ang mga suspek na sina Dennis Dipotado at Roldan Mejico, pawang residente ng nabanggit na barangay, matapos na isuplong ng biktimang si Sea Jong On at isa pang hindi nagpakilalang Koreano.
Nakatakas naman ang isa pang kasamahan ng mga salarin na ngayon ay pinaghahanap na rin ng mga awtoridad.
Ayon kay Emmanuel Balaston, barangay police o tanod sa nabanggit na lugar, naganap ang insidente pasado ala-1:30 kaninang madaling-araw sa P. Ocampo St. kungsaan tinangay ng mga suspek ang bag ng mga Koreano na naglalaman ng pera, cellphones, computer tablets at pasaporte.
Sa kuwento ng mga biktima, kapaparada pa lamang ng kanilang kotse sa P. Ocampo nang bigla buksan ng mga suspek sabay hablot sa kanilang mga gamit.