NASAWI habang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 31 anyos na barker -kolektor makaraang malapitang barilin kahapon ng tanghali sa Quiapo, Manila.
Nakilala ang biktimang si Valentin Pangilinan, may asawa, ng 828 R.Hidalgo St., Quiapo, , habang patuloy ang pangangalap ng testigo para sa pagkakakilanlan at sa ikalulutas ng kaso.
Batay sa report ni Det. Rommel del Rosario na isinumiti kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District–Crime Against Persons Investigation Section, dakong 11:00 ng tanghali nang maganap ang nasabing insidente sa panulukan ng Elizondo at R. Hidalgo Sts., sa Quiapo, na kung saan nagtatawag ng pasahero ang biktima.
Bago umano ang nasabing pamamaril, kamakalawa ng umaga, pumarada ng motorsiklo ang hindi pa nakikilalang lalaki na angkas ang isang babae, nang sitahin umano ito ni Pangilinan dahil sa paradahan ito ng mga pampasaherong jeep na biyaheng Punta Sta.Ana Via Quiapo.
“Napahiya siguro yong suspek, kaya sinabihan yong barker (biktima) na babalikan siya,” ayon sa imbestigador ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3.
Gayunman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang inaalam ang tunay na motibo ng pamamaril.