TODAS ang isang back rider habang sugatan ang dalawang driver ng motorsiklo sa naganap na road accident sa national highway sa Barangay San Antonio, Narvacan, Ilocos Sur.
Hindi na umabot pa nang buhay sa Central Ilocos Sur District Hospital ang biktima na si Ricardo Robab, 41, magsasaka na taga-Barangay Nanguneg, Narvacan dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang nakilala ang mga sugatan na sina Allan Rivas, 33, driver, taga-Poblacion Pilar, Abra at si Raffy Samaro ng Brgy. Ribadabya, Narvacan.
Nabatid na pahilagang direksiyon ang tinatahak ni Rivas nang bigla siyang lumiko at hindi napansin ang motorsiklong minamaneho ni Samaro sa kabilang linya ng kalsada dahil sa kawalan ng headlight na siyang sanhi ng banggaan.
Ayon pa sa imbestigasyon, lasing si Rivas nang maganap ang naturang aksidente.