PATAY isang 37 anyos na mensahero matapos mahulog sa bintana at mabagok ang ulo na siyang ikinamatay kahapon ng madaling araw sa Malate, Manila.
Kinilala ang biktima si Leonides Hillar, liaison officer at nanunuluyan sa Mossionway Manpower Services na matatagpuan sa 1828 San Marcelino St.sa Malate ng dakong 5:00 ng madaling araw
Naisugod pa sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima pero hindi na rin naisalba ang buhay nito dahil sa matinding pinsala sa ulo na kanyang tinamo.
Bago ang naturang insidente, nalaman sa mga kasama ng biktima na nagkaroon ito ng nervous breakdown ng mabugbog ito sa Alabang nito lamang nakalipas na buwan .
Umuwi ng probinsya si Hillar dahil namatay ang kanyang kapatid, kaya umano naging desperado ito sa buhay.
Ayon sa mga kasamahan ng biktima posibleng inatake muli ng kanyang nervous breakdown ang biktima matapos na uminom ng alak.
Nagwala umano ang biktima pagkatapos ay nagkulong sa kuwarto at doon pinagbabato ng bote ang dingding ng silid .
Hinala na tinangka ng biktima na sa bintana dumaan para bumaba pero nakabitaw sa kanyang pagkakakapit dahil sa kalasingan, puyat at sumabit sa kable ng kuryente ang paa.
Nakabakat pa ang dalawang kamay ng biktima na may dugo sa bintana na ipinalalagay na kumapit ito pero nakabitaw.
Wala pa umanong asawa ang biktima at ang pamilya ay nasa lalawigan, kaya pansamantala itong inilagak sa morgue para sa kaukulang awtopsiya.