DAVAO CITY- Suwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang karpentero matapos itong tuklawin ng ahas na tinatawag na banakon o mas kilalang King Cobra sa Purok 17 Sitio Bongbong, Malagamot Panacan kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Santiago Sabandon, 50, ng Estores Village, Panacan, Davao City.
Sa panayam kayTony Delvo, residente ng nasabing lugar, kasama ni Sabandon pati dalawa pang mga kasamahan nitong karpentero habang sila ay naliligo sa balon sa Sitio Bongbong nang sumulpot ang ahas at tinuklaw ang biktima sa kanyang kanang hita.
Agad naman tinaga ni Delvo ang ahas na may sukat na 10 talampakan.
Ayon sa mga nakasaksi, nanghina umano ang biktima at namamanhid ang katawan nito pero sa halip na dalhin sa hospital ay dinala ito sa albularyo na si Flaviano Tabigue.
Kaunting orasyon lang umano ang ginawa ng albularyo at ilang oras lang ay gumaling si Sabandon.
Hindi ito umano ang unang pagkakataon na may nakitang ahas na banakon ang residente sa nasabing lugar.