ARESTADO ang isang 33-anyos na lalaki nang ireklamo ng may ari ng isang videoke bar na kanyang pinuntahan makaraang hindi nito bayaran ang mga inorder na alak at pulutan kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Napag- alaman sa himpilan ng pulisya na hindi lamang isang beses ginawa ng suspek na si Eduardo Flores, nakatira sa 236 Primero de Mayo St., ang hindi pagbabayad sa iniinumang videoke bar matapos na madakip na rin kamakailan kaugnay sa kahalintulad na reklamo.
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Rodolfo Suquina ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, pumasok sa 6+1 Videoke bar sa J. Luna St. si Flores dakong alas-3 ng madaling araw at umorder ng masasarap na pulutan at alak.
Ayon kay Ricky Monares, 19, waiter sa nabatid na videoke bar, hindi lamang mga pulutan at alak ang inorder ni Flores kundi nag-table pa umano ito, ngunit nang sisingilin na nila ito sa kanyang mga nakonsumo ay ikinatwiran nitong wala siyang dalang wallet kaya’t hindi umano siya makakapagbayad.
Kaagad namang humingi ng tulong sa kapulisan si Melice Norberto, floor manager ng naturang videoke bar at kaagad pinadakip ang estapador.
Si Flores ay sinampahan ng kasong Estafa for non-payment of bill ng pulisya sa Pasay City Prosecutors Office.