IPINAALAM kanina ng Regional office ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) ng ARMM police sa Quezon City court na nahuli na nila ang isa pang akusado sa Maguindanao massacre sa Midsayap North Cotabato.
Ayon sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC Regional Trial Court Branch 221, naimpormahan na sila ni CIDG-ARMM Superintendent Godfrey Convento sa pagkakahuli sa akusadong si Kudza Uguia Masukat para maisama sa hanay ng mga akusado sa naturang masaker.
SInabi ni Convento na kanilang nahuli si Masukat malapit sa tirahan nito sa bayan ng Datu Piang Maguindanao sa tulong ng kanilang impormante.
Si Masukat ay kilala rin sa pangalang Datu Teng Ibrahim at Mustapha Ibrahim na may patong sa ulo na P250,000 para sa pagkadarakip nito. Siya ay ika-106 na akusado sa Maguindanao massacre na napasakamay na ng tropa ng pamahalaan.
Kapag naayos na ang commitment order para kay Masukat, agad itong ililipat ng kulungan sa QC jail annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig city mula ARMM CIDG detention cell para makasama ang iba pang nahuli kaugnay ng masaker kabilang na ang mag-aamang Andal Ampatuan Sr. at Jr. na sinasabing utak sa Maguindanao massacre.