NAGTATAGO na ang may-ari ng pagawaan ng paputok na sumabog sa Barangay Duhat, Bocaue, Bulacan, Huwebes ng hapon.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin lumilitaw sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Bulacan Police si Veronica Cardenas.
Base sa pahayag ni Supt. Romeo Rillo, provincial fire marshall ng Bulacan, maaaring nagtatago na si Cardenas dahil hindi pala ito nakapag-renew ng permit para sa taong 2013.
Sa naturang pagsabog, nasawi si Larry Alano, 18-anyos, habang patuloy na nagpapagamot sa ospital si Sereno Hernandez, 17. Nakalabas na naman sa pagamutan si Adrian Paul Gray, 15.
Bukod sa posibleng hindi na makapag-operate, nahaharap din si Cardenas sa paglabag sa pagkuha ng mga empleyadong menor-de-edad.