KINUMPIRMA ng isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na dumarami ang mga kawatan na ginagamit ang Cyber Space upang mambiktima ng kapwa.
Sinabi ni Atty. Ronald Aguto, Head ng NBI-Cybercrime Division, sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan , Sampaloc , Maynila, na hindi pa naman nakakaalarma kahit dumarami na ang sindikato na gumagawa ng iligal tulad ng cyber crimes sa bansa sa pamamagitan ng social networking site .
“Its a Global Crime, many syndicates are using Cyber Space, parami sila ng parami pero hindi pa naman ito nakakaalarma,” ayon kay Aguto.
Ayon pa sa opisyal, madalilamangg makapanloko sa internet lalo na ang buy and sell product dahil maaaring baguhin dito ang pagkakakilanlan ng isang tao.
Ito ay dahil madali din, aniyang, makakuha ng impormasyon ang mga kawatan ukol sa detalye ng credit cards dahil ang ibang online selling websites ay hindi umano lehitimo at fraud lamang na nagreresulta upang magamit ng mga ito ang credit cards ng kanilang biktima.
“If you see something that is too good to be true you have to think twice, we have to be aware of these online selling websites”, dagdag pa niya.
Kaugnay nito, pina-igting na din umano ng ahensya ang kampanya nito kaugnay ng cyber pornography kung saan kadalasan ay mga sindikato na namimilit sa mga menor de edad pa ang mga sangkot dito.
Nagbabala na din ang opisyal sa publiko kaugnay sa mga Automatic Teller Machines (ATM) na tampered na o may mga ikinakabit na devices upang makuha ang PIN numbers at detalye ng cards ng mga biktima.
Samantala, kung mabiktima ng mga kawatan sa cyberspace o online selling websites, text scams or ATM schemes ay agad na umanong makipag-ugnayan sa mga awtoridad at sa NBI.