DAHIL hindi na matubos ang lupang isinangla, nagbigti sa puno ang isang lolo ngunit nalagot ang nakapalupot na nylon cord sa kanyang leeg kaya nahulog ito sa ilog at nalunod sa Quezon province kaninang umaga (Abril 22).
Ayon kay P02 Ireneo Luza, nakaburol na ang bangkay ng biktimang si Pedro Eriko Robles, 60-anyos, sa kanyang bahay sa Barangay Kulapi, Lucban, Quezon.
Nadiskubre, aniya, ang bangkay ng biktima dakong alas -6 ng umaga ng isang residente sa isang batis na ilang metro lamang ang layo sa kanyang bahay.
Ayon sa misis ng biktima, bago ang insidente ay masamang-masama ang loob nito dahil hindi na niya matutubos ang mga lupa na kanyang isinanla.
Lalo pang nag-udyok sa biktima na ituloy ang pagpapakamatay nang pagalitan pa ito ng kanyang anak kamakalawa dahil isinanla ng una ang kanilang lupa nang hindi ipinapaalam sa kanyang pamilya.
Sa pag-aakalang hindi totohanin, hindi naman pinigilan ng misis nito ang paglabas ng kanyang mister sa kanilang bahay.
Pero laking gulat na lang nila nang hindi ito umuwi sa magdamag at nadiskubre ang bangkay nito sa batis.
Pinaniniwalaang nalagot ang nylon cord nang magbigti ito sa puno at nahulog at nalunod sa batis.