NADAKIP ng awtoridad ang 20-anyos na bading sa isla ng Boracay sa isang entrapment operation makaraang ireklamo ng pagnanakaw ng isang Korean national.
Kinilala ang suspek na si Christian Medi Aldea, bading at gumagamit ng mga alyas na “Dianne” at “Sabrina” at residente ng Sta. Rita, Ibajay, Aklan.
Nabatid sa ulat ng pulisya, ninakaw umano ng suspek ang cellphone ng biktimang kinilalang si Sang Bong Lee, 30, isang Korean national. Isa pang bading na nakilala lamang sa pangalan Mura at nagsabi sa biktima na pinatutubos ang kanyang cellphone sa halagang P6,000.
Kaugnay nito, isang entrapment operation ang isinagawa ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) kung saan nasabat ang suspek. Nabawi rin ang cellphone ng biktima.
Nakakulong na ngayon ang suspek subalit hindi naman nahuli si alyas Mura.