HINILING ng mga sundalong sangkot sa madugong insidente sa Atimonan, Quezon noong ika-6 ng Enero na ibasura ng Department of Justice panel of prosecutors ang reklamong multiple murder na isinampa laban sa kanila.
Sa kanilang 59-pahinang consolidated affidavit, iginiit ng mga sundalong miyembro ng 1st Special Forces Battalion na wala namang merito ang reklamo laban sa kanila.
Nanindigan ang mga sundalo sa pangunguna ng kanilang Commander na si Lt Col. Monico Abang na engkwentro at hindi rub out ang nangyari sa Atimonan checkpoint.
Wala rin umano silang naging pagkakamali nang sila ay tumugon sa hiling na dagdag na pwersa ng pulisya dahil sila ay tumalima lamang naman sa kasunduan na dapat ay handang sumuporta ang pwersa ng militar sa PNP sa Quezon kung mayroong operasyon kontra sa kriminalidad.
Bukod duon, naniniwala rin silang walang iligal sa pagset-up ng checkpoint lalo pa’t ang pakay niyon ay para arestuhin ang isang grupong may kinalaman sa iligal na aktibidad at pawang mga armado.
Kinuwestiyon din ng mga sundalo kung bakit sa findings ng NBI ay may ilang mahahalagang ebidensya na hindi isinama gaya ng salaysay ng mga testigong sina Ricardo Alba at Rolando Vico na nagsabing nakita nilang nanggaling ang unang putok mula sa panig ng mga taong sakay ng SUV na naging dahilan ng pagkasugat ni Supt. Hansel Marantan at pagsiklab ng engkwentro.
Tinukoy rin ng mga sundalo ang findings nina Juliet Flores at Edwin Purificando na nagsabing batay sa kanilang pagsusuri, nagpositibo sa gun powder nitrates ang mga kamay ng mga nasawing sakay ng SUV na sina Gruet Mantuano, Gerry Siman, Paul Quiohilag at Leonardo Marasigan na indikasyon na maaaring nagpaputok sila ng baril.
Itinuturing din ng mga sundalo bilang matibay na mga ebidensya ang mga litrato na kinunan ng isa sa mga sundalo bago, habang nagaganap ang engkwentro at matapos ang insidente na nagpapatunay na nagsisinungaling ang mga testigo ng NBI.