NAMATAY sa pananambang ang bayaw ng tumatakbo sa pagka-municipal councilor ng munisipyo ng Labangan sa lalawigan sa Zamboanga del Sur.
Kinilala ang biktima na si Mantang Dumato, 49, isa sa mga miyembro ng Barangay Anti-Abuse Committee sa kanyang lugar sa Barangay Marikay, Pagadian City.
Ayon kay P/Insp. Nedzfar Hassan, ang hepe ng Labangan municipal police station, naganap ang pananambang pasado alas-8:00 ng umaga kanina habang nakasakay sa kanyang motorsiklo ang biktima sa may Purok Malipayon, Barangay Bulangit ng nasabing munisipyo.
Pinagbabaril ang biktima ng ilang hindi pa kilalang armadong lalaki na nakasakay sa motorsiklo saka tumakas pagkatapos ng krimen.
Tatlong tama ng bala mula ng caliber .45 pistol ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Sinabi ng opisyal na lumalabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon na away sa lupa ang isa sa posibleng motibo sa krimen.
Wala ring komento ang awtoridad sa posibilidad na maaaring may kaugnayan din ang krimen sa tumitinding sitwasyon ng pulitika sa lalawigan.
Tinitingnan din ng kapulisan ang iba pang maaaring anggulo sa pagpaslang sa biktima.