SWAK sa selda ang isang mister matapos saktan ang sariling anak nang ipagtanggol ng una ang kalaguyo na sinita ng huli sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.
Bukod sa kasong physical injuries, nahaharap din sa kasong illegal possession of deadly weapon at paglabag sa omnibus election code si Zoilo Gaa, 37-anyos, ng Lerio St., Camarin D ng lungsod.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi, nakatambay ang biktima na si Ledzel Gaa, 18-anyos sa nasabing lugar nang makita ang ama kasama ang kalaguyong si alyas Tin-Tin.
Lumapit si Ledzel at kinumpronta si Tin-Tin hanggang sa magkasagutan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Ikinagalit ng suspek ang inasal ng anak na naging dahilan upang saktan nito ang biktima.
Natigil lang ang pananakit ng suspek sa anak nang magdatingan ang mga tanod.
Nang maawat, nakuhanan pa ng patalim ang suspek na naging dahilan upang bitbitin sa presinto.