TATLO katao ang nasugatan nang suwagin ng isang pampasaherong bus ang lumilikong sports utility van sa Quezon City kaninang madaling araw.
Isinugod sa New Era Hospital sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang isang hindi nakuhang pangalan ng babae at lalaking sakay sa Toyota Innova.
Bukol naman sa ulo ang inabot ng isang 3-anyos na hindi nakikilalang batang babaeng pasahero na nauntog sa upuan ng Don Mariano Transit Corporation.
Sumuko naman agad ang tsuper ng bus na si Roman Tagorda at pinag-aaralan nang sampahan ng kaukulang kaso.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 12:45 ng madaling araw sa southbound lane ng Efipanio delos Santos Avenue (EDSA) at Nueva Ecija Extention, Q.C.
Ayon kay Tagorda, galling siya ng northbound lane ng EDSA nang pinilit na mag-u-turn ang naturang SUV kaya nabangga niya ito.
Sa lakas naman ng pagkakabangga, tumilapon at napunta sa center island ang naturang SUV bago bumangga pa sa poste ng Light Rail Transit (LRT) 1.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang pangyayari na nagdulot ng trapiko sa lugar.