INGINUNGUSO ng pulisya ang isang binatilyo hinggil sa pagpatay sa isang municipal councilor bet sa North Cotabato nitong nakaraang Linggo ng gabi lamang.
Sinabi ni Senior Supt. Danny Peralta, North Cotabato’s provincial police director, na naestablisa na rin ng mga imbestigador na si Omar Gafur ay biktima ng “vendetta killing,” na tila ay may koneksyon sa isang standing rido o clan war.
Nilinaw naman agad ni Peralta na hindi election related ang pagpatay kay Gafur at ang pumatay dito ay isang 14-anyos na lalaki na miyembro ng isa pang Moro clan na may galit sa Gafur family.
“We are now coordinating with the Department of Social Welfare and Development. We have to initiate police action against the suspect with the guidance of DSWD,” pahayag ni Peralta.
Si Gafur, na tatakbong municipal council ng Banisilan sa ilalim ng United Nationalist Alliance, ay pauwi na mula sa pangangampanya nang lapitan ng suspect at paulit-ulit na binaril sa likod ng .45 caliber pistol.
Balewala naman na naglakad lang palayo sa lugar ang suspek na may isa pang kasama na nagsilbing lookout.
Nagpakalat na aniya ng combat-ready members ng Region 12 police office sa Banisilan bilang parte ng security measures para maiwasan ang awayan sa nasabing lugar.