TARAK sa mukha ang dahilan kung bakit tuluyan nang namahinga ang isang trike driver matapos saksakin ng hindi nakikilalang lalaki sa loob ng kanyang traysikel habang natutulog sa Quezon City kaninang madaling-araw, Pebrero 4.
Bagama’t sugatan, nakahingi pa ng tulong ang biktimang si Sixto Calastre, 36, alyas Onyo, sa isang gasoline boy na hindi nakuha ang pangalan pero namatay din habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Blangko naman ang Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kung sino ang nasa likod ng pamamaslang pero isa sa sinisilip na motibo’y resbak ng isang kaaway nito.
Sa ulat ng CIDU, naganap ang insidente alas-3 ng madaling-araw sa isang gasoline station sa may Sct. Alcaraz St., Bgy. Sacred Heart, Q.C.
Ayon sa ayaw magpakilalang cashier ng naturang gasolinahan, karaniwan nang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang traysikel na ipinaparada sa kanilang gasolinahan.
Pero laking gulat niya kaninang madaling-araw nang biglang lumapit sa kanya ang biktima na duguan at may nakabaong kutsilyo sa mukha.
Nakita naman ng ilang testigo ang isang nagngangalang Jose Sañano na nakasakay sa bisikleta at nanggaling sa nasabing gasolinahan ilang minuto matapos ang insidente. ROBERT TICZON