ISA ang beteranong journalist na si Joel Palacios sa anim na napatay sa insidente ng pag-aamok at pananaksak sa isang condominium sa Pasay City, kagabi.
Sa inilabas na spot report ng Pasay City Police, kabilang ang pangalan ni Palacios sa mga binawian ng buhay sa Pasay City General Hospital matapos magtamo ng mga saksak sa katawan.
Nagsilbing mamamahayag ang 70-taong gulang na si Palacios sa Associated Press at Manila Standard.
Siya rin ang naging dating Vice President for Media Affairs ng Social Security System (SSS).
Nakilala ang suspek na si Alberto Garan alyas Abet, 39, tubong Brgy. Catugay Baggao, Cagayan.
Ayon kay NCRPO Dir. Oscar Albayalde, nagtalo sa ika-14 na palapag ang suspek at kasintahang si Emelyn Sagun.
Bigla na lang nagpaputok ng baril ang suspek at kumuha na ng kutsilyo sabay pinagsasaksak si Sagun.
Hindi pa nakuntento ang suspek at inihulog si Sagun mula ika-16 na palapag hanggang basement.
Umakyat ang suspek sa ika-22 palapag at inundayan din ng saksak ang iba pang nakasalubong na tenant.
Agad na nagsagawa ng clearing operations sa mga unit ng condo ang mga SWAT. Pinalabas din ang mga tenant sa gusali.
Mag-a-alas-11:00 kagabi nang mapatay ng SWAT ang suspek sa isang unit.
Selos ang isa sa tinitingnang motibo sa pananaksak ayon naman kay SPD Director Tomas Apolinario.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Pasay Police sa insidente. JOHNNY ARASGA