POSITIBONG itinuro ng dalawang saksi ang mga pulis na pumatay kay Carl Angelo Arnaiz, dating Iskolar ng Bayan sa University of the Philippines (UP) habang nakaluhod ang biktima at nakataas ang kamay.
Sa kanilang pagtestigo sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order sa pamumuno ni Sen. Panfilo Lacson, positibong itinuro sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita bilang killer ni Arnaiz.
Iniimbestigahan ni Lacson ang sunod-sunod na pagpatay sa mga kabataan sanhi ng giyera laban sa droga na karamihan na nabibiktima ay menor-de-edad at walang nahuhuling “malalaking isda.”
Samantala, itinanggi naman S/Supt. Chito Galvez Bersaluna, hepe ng Caloocan City Police Station nang mangyari ang insidente, na personal nyang kilala sina Perez at Arquilita na siyang itinuturong pumatay kay Arnaiz.
“During that time I have 1,200+ na personnel so ‘di ko po gaano pa ma-familiarize ‘yung buong tao your honor. ‘Di ko po personal na kilala your honor,” sagot ni Bersaluna sa tanong ni Senador Grace Poe.
Sa pagdinig, sinabi nina Tomas Bagcal, taxi driver na sinasabing hinoldap ni Carl na kitang-kita niya na nakaluhod ang biktima at nakaposas nang barilin ito hanggang mamatay.
Sinabi ni Bagcal na hinoldap siya ni Arnaiz at isa pang kabataan.
“Pinagbabaril po iyong holdaper at nakaluhod siya,” ayon kay Bagcal ngunit hindi tinukoy kung ano ang nangyari sa kasama nitong kabataan.
Itinanong naman ni Poe kay Bagcal kung nadinig niya ang huling salita ni Carl na nagmamakaawa bago siya barilin ng dalawang pulis.
“Malayo po ako. ‘Yung hitsura lang po nya, nakaluhod na nakataas ‘yung kamay,” ayon kay Bagcal.
Kinumpirma naman ng isa pang saksi, si Joe Daniel na nakita niyang nakaluhod ang biktima habang binabaril ng dalawang pulis.
“Nakita ko ‘yung mukha nung lalaki. Nakakaawa ‘yung mukha nya,” na tumutukoy kay Carl.
“Nakatakbo na po siya sa damuhan and then nakaluhod po siya noong binaril na may posas,” dagdag ng saksi.
Sa pagtatanong ni Poe, positibong itinuro nina Bagcal at Daniel sina Perez at Arqulita na siyang bumaril sa biktima. ERNIE REYES