Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all 8129 articles
Browse latest View live

Parak nabaril sa sarili, tigok

$
0
0

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang pulis-Maynila na umano’y aksidenteng nabaril ang sarili sa loob ng kanyang kuwarto sa Sta. Cruz, Maynila.

Namatay noon din sanhi ng tama ng bala sa bibig na tumagos sa ulo ang biktimang si PO1 Jourdan Gabrielle Asistio, 28, binata, nakatalaga sa MPD-PS3 Intel Operatives at nakatira sa 2115 Bolinao St., Sta. Cruz, Maynila.

Alas-3:45, Lunes ng hapon, nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima habang naglilinis ng kanyang service firearm.

Sa imbestigasyon ni PO3 Joel Jasareno, sinabi ni Joana Laine, kapatid ng biktima, na nakita nitong naglilinis ang kanyang kapatid ng baril sa kuwarto gamit ang basahan na nakahiga sa kama nang ito’y pumasok upang kunin ang kanyang cellphone.

Matapos kunin ang cellphone ay pinaalalahanan pa umano nito ang kapatid tungkol sa sasakyang kanilang bibilhin sa Navotas nang biglang pumutok ang baril ng biktima at tinamaan sa bibig.

Dali-dali namang tinawang ni Joana ang kanilang ama at ipinaalam ang pangyayari na siyang nag-report naman sa pulisya upang maimbestigahan. JOCELYN TABANGCIURA-DOMENDEN


Delivery driver pinutukan sa ulo, dedo

$
0
0

ISANG tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang delivery driver nang barilin sa ulo habang nagpapalipas ng oras sa Ermita, Maynila kahapon, Lunes.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Edgardo Torres, alyas Egay, 41, may-asawa, ng Villa Felicia Bayanan, Bacoor, Cavite.

Inilarawan naman ang suspek na nasa edad 35-40, may taas na 5’7, katamtaman ang pangangatawan, nakasumbrero at maskara, naka-asul na T-shirt, kupas na maong pants at sakay ng motorsiklong walang plaka.

Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting, imbestigador ng MPD-Homicide Section, alas-4:55 ng hapon, Lunes, nang maganap ang insidente sa Maria Orosa St. kanto ng Kalaw St., Ermita, Maynila.

Nabatid na nagde-deliver ng mga goods ang biktima kada linggo sa mga vendor sa Luneta Park.

Habang nagpapalipas ng oras, dumating ang suspek sakay ng motorsiklo at pumarada sa likurang bahagi ng isang kalesa.

Pagbaba ng kanyang motorsiklo ay saka nilapitan ang biktima bitbit ang kanyang baril saka pinaputukan sa likurang bahagi ulo nito saka mabilis na tumakas.

Ilang mga vendor sa lugar naman ang nag-report sa insidente kay SG Dexter Parado, Park Security Officer, na siyang tumawag naman sa Tourist Police Office para mapaimbestigahan ang insidente.

Sa ngayon ay inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaril. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Ex-vice mayor, dedo sa tandem

$
0
0

BUMULAGTA sa kalsada ang isang dating vice mayor matapos pagbabarilin ng kilabot na riding-in-tandem sa Tuguegarao City kaninang Miyerkules ng umaga.

Namatay noon din sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nakilalang si Alexander Pascual, ex vice mayor ng Amulung, Cagayan.

Blangko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pagatake at kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6 a.m. sa tapat ng Department of Ecucation (DepEd) Region 2 sa naturang lungsod.

Bago ito, sakay sa kanyang motorsiklo ang biktima at tinatahak ang national highway nang biglang ratratin ng mga suspek.

Napatakbo pa ng biktima ang kanyang motosiklo ng ilang metro pero biglang rin tumumba sa kalsada. BOBBY TICZON

2 lider ng investment scam, timbog sa Batangas, Muntinlupa

$
0
0

TIMBOG ang dalawa umanong leader ng investment scam na Brandon Aviles Group sa serye ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Batangas at Muntinlupa.

Dinakip ng PNP-CIDG o Criminal Investigation and Detection Group si Brandon Aviles sa Rosario, Batangas habang ang kanyang business partner na si Neil Ian Arias ay natimbog sa Alabang, Muntinlupa.

Ayon kay S/Supt. Wilson Asueta, Director ng CIDG-NCR, kabilang sa mga nabiktima ng dalawa ang isang pulis na nag-invest ng 250,000 pesos sa United Aquafarm Ventures ng mga suspek sa Sta. Rosa, Laguna.

Gayunman, kalauna’y sasabihin ng mga scammer na na nalugi ang negosyo at hindi na mako-contact o makikita ng mga investor.

Napaniwala aniya ang mga investor na makatatanggap sila ng malaking interes sa una hanggang ikatlong buwan subalit sasabihin.

Inaalam na ng mga awtoridad kung gaano kalaking pera ang tinangay nina Aviles at kung sino ang mga nabiktima ng kanilang modus. JOHNNY ARASGA

9-anyos ginahasa saka pinatay sa Bataan

$
0
0

ISANG siyam na taong gulang na babae ang ginahasa at pinatay sa bayan ng Dinalupihan, Bataan.

Narekober ang bangkay ng biktimang si Danica Santos, Grade 4 student, sa isang bakanteng lote, ilang metro lamang mula sa kanilang bahay sa Brgy. Sto. Niño.

Ayon kay C/Insp. Eduardo Guevara, Jr., hepe ng Dinalupihan Police, huling nakitang buhay ang paslit sa kanilang bahay, noong Linggo ng gabi, Oktubre 1.

Agad namang naaresto ang suspek na si Leonardo Aquino, 56-anyos, balo at tiyuhin mismo ni Danica.

Batay sa imbestigasyon, pinabili ni Aquino ang biktima ng chewing gum subalit hindi na ito nakauwi sa kanilang bahay na halos katabi lamang ng bahay ng suspek.

Aminado naman si Aquino sa nagawa nitong krimen at humihingi ng kapatawaran.

Dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong rape noong 1995 hanggang 1999 subalit naabsuwelto makaraang pumanaw ang testigo. JOHNNY ARASGA

Apartment nasunog

$
0
0

TINATAYANG aabot sa halagang P500,000 ang pinsala ng natupok ng apoy nang masunog ang isang apartment sa Sta. Mesa, Maynila kahapon.

Sa report ng Manila Bureau of Fire Protection, dakong 3:12 ng hapon nang magsimula ang apoy sa unit ng isang Roger Uchi, 75, sa ikalawang palapag ng apartment, sa Road 1, V. Mapa St. sa Sta.
Mesa.

Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng nasabing apartment at umabot ito sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 3:56 ng hapon.

Wala namang nasugatan o nasawi sa sunog, ngunit aabot sa limang pamilya ang nawalan ng tahanan dahil dito.

Hinala ng mga awtoridad na electrical overload ang posibleng dahilan ng sunog na tumupok sa mga ari-arian ng mga residente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Ex-Brgy. Chairman dedbol sa ambush

$
0
0

PATAY ang isang dating barangay chairman habang malubha namang nasugatan ang driver nito matapos ambusin at pagbabarilin ng riding-in-tandem kaninang madaling-araw, Oct. 5, sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief ang biktimang si Bernildo Ocampo, 64, dating chairman ng Brgy. San Roque, na namataang patay sa pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Patuloy namang inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi rin ng mga tama ng bala ang driver na si Rodolfo Maoricio, Jr., 36.

Base sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) C/Supt. Amando Empiso, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo na minamaneho ni Maoricio nang harangin ng riding-in-tandem sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Daanghari pasado alas-3:20 kahapon ng madaling-araw.

Dito na walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na agaran nitong ikinamatay habang mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang getaway na motorsiklo.

Ayon sa pulisya, galing si Ocampo sa kanilang consignation sa Malabon bago maganap ang insidente.

Nakarekober sa pinangyarihan ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng walong empty shells ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang tunay na motibo sa pamamaslang sa bikitma. ROGER PANIZAL

3 dedo sa Mandaue City fire

$
0
0

NALITSON nang buhay ang isang mag-asawa at kanilang anak nang lamunin ng apoy ang kanilang tinutuluyang kwarto sa Mandaue City kaninang Huwebes ng madaling-araw, Oktubre 5.

Nakilala ang mga biktimang sina Antonio Paz, 34, asawa nitong si Maricel, 31, at ang kanilang anak na si Ancel Jay, 10.

Sa ulat ng Mandaue City Fire Department, naganap ang sunog dakong 4:10 a.m. sa isang bunkhouse na nasa likurang bahagi ng lumber yard sa Hernan Cortes St. sa Tipolo.

Ayon sa mga katrabaho ng caretaker na si Antonio, tupok na ang tinitirahan ng pamilya nang magising sila.

Anila, posibleng tulog pa ang mag-asawa at kanilang anak nang biglang lumaki ang apoy at hindi na sila nakalabas pa.

Tinatayang aabot sa P20,000 ang halaga ng danyos na inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog. BOBBY TICZON


3 patay, 33 sugatan sa sumabog na water tank

$
0
0

TATLO ang patay at hindi bababa sa 30 ang nasugatan makaraang sumabog ang water tank sa bahagi ng Brgy. Muzon, San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay San Jose del Monte Police C/Supt. Fitz Macariola, nawasak ang water tank at rumagasa ang tubig sa mga bahay at establisyimento sa palibot nito.

Dahil dito, may mga bahay na nasira, habang walo sa 33 mga nasugatan ay isinugod sa ospital.

Tinatayang aabot sa 2,000 cubic meters ang capacity ng bumigay na tangke.

Samantala, sinabi naman ni Gina Ayson Su, ng SJDM Disaster Risk Reduction and Management Office, limang taon pa lamang ang nasabing tangke.

Inaalam pa ang dahilan kung bakit ito bumigay.

Pero ayon sa isang caretaker sa lugar, naganap ang pagsabog alas-3:30 ng madaling-araw at may narinig silang tunog ng pagkasira o crack mula sa tangke. JOHNNY ARASGA

Ginang pinagbabaril sa Makati, tepok

$
0
0

TIMBUWANG ang isang babae matapos tambangan sa tapat ng isang apartment sa Kamagong cor. Baticulin St., Brgy. San Antonio, Makati City.

Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng biktima na nakasuot ng itim na T-shirt at asul na pantalon, at tinatayang nasa 40 – 50 ang edad.

May nakuhang ID sa bulsa ng biktima, pero hindi pa matiyak ng mga imbestigador kung pag-aari ito ng babae.

Inaalam pa rin kung ang babae ay nangungupahan sa nasabing apartment.

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng apat na sunod-sunod na putok ng baril bago mag-alas-3:00 ng madaling-araw.

Pagsilip nila, nakita nila ang tatlong lalaki na tumatakbo papunta sa naghihintay na dalawang motorsiklo.

Nagkaroon ang babae ng dalawang tama ng bala sa ulo na agad nitong ikinamatay.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Makati City Police sa nasabing insidente upang malaman ang motibo sa likod ng pamamaril. JOHNNY ARASGA

Ulo at kamay ng babae, tinagpas ng ka-live-in

$
0
0

PINUGUTAN na, pinutol pa ng isang lalaki ang dalawang kamay ng kanyang live-in partner sa Cebu kaninang Linggo ng umaga.

Ang bangkay ng biktima na itinago sa pangalang ‘Charo’ ay nakitang nakakalat sa tapat ng kanilang bahay sa Brgy. Tayud sa nasabing lalawigan.

Sinabi ni Supt. Mina Domingo, hepe ng Consolacion police, na napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek matapos itong manugod gamit ang kanyang bolo.

Sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-6:00 ng umaga sa tapat ng bahay ng magka-live-in.

Ayon sa tiyuhin ng biktima, madalas na nag-aaway ang dalawa at ang huli ay kaninang umaga lamang.

Sa pangambang humantong ang pag-aaway sa sakitan, humingi ito ng saklolo sa barangay hall.

Pero nakita ng mga kapitbahay na nakahandusay sa labas ng kanilang bahay ang biktima, na putol na ang ulo at mga kamay. BOBBY TICZON

Rider pisak sa trak sa Pasay

$
0
0

BISAK ang ulo ng isang motorcycle rider matapos aksidenteng masagasaan ng isang 14-wheeler trailer truck sa EDSA-Tramo sa lungsod ng Pasay.

Kinilala ang rider na si Johnny Raguindi, na mula pa sa North Caloocan.

Sa paunang impormasyon ng Pasay City Police, binabaybay ng biktima ang northbound lane nang mabangga at masagasaan ng trak naminamaneho ni Romeo Castillo na may plakang CDR 184.

Ayon sa kaibigan ng biktima, miyembro ito ng isang motorcycle rider group na tinatawag ng Bumble Bee at nasa kalagitnaan sila ng endurance run nang maganap ang aksidente.

Kwento ni Castillo, galing siya ng Batangas at patungo na sana ng Caloocan kung saan binabagtas niya rin ang northbound lane nang makitang sinusubukan ng biktima na i-overtake ang sasakyang nasa harapan nito.

Nasagi umano ng kotse si Raguindi, dahilan upang mapatagilid ito.

Nagpatuloy sa pagmamaneho si Castillo ngunit naramdaman na tila may nagulungan ito at nang huminto at tingnan ay doon na niya nakitang nasagasaan na pala niya ang rider.

Giit ni Castillo, hindi mabilis ang kanyang takbo at aksidente ang nangyari.

Ayon naman kay SPO3 Ricky Murillo, kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide si Castillo. JOHNNY ARASGA

Miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik, todas sa kapitbahay

$
0
0

PATAY ang isang 23-anyos na miyembro ng Sigue-sigue Sputnik gang nang saksakin ng kapitbahay dahil sa pagwawala sa inuman sa Tondo, Manila.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Joseph Abot, Jr., alyas “Boyet”, ng Bldg. 25, Unit 412, Permanent Housing, Balut, Tondo dahil sa tinamong saksak sa dibdib.

Habang naaresto naman sa isinagawang follow-up operation Manila Police District (MPD)-Station 1 ang suspek na si Vilmar Voluntad, 31, coordinator, ng Bldg. 21, Unit 409, Permanent Housing, Balut.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, dakong 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng kainuman sa Bldg. 25, sa Unit 410 Permament Housing, Balut.

Ayon kay Rocildo Demalata, 21, may-ari ng bahay, nag-iinuman sila kasama ang suspek sa loob ng kanilang bahay at nang maubusan ng alak ay nagtungo sa tindahan ang pinsan na si alyas “Reggie” para bumili.

Nang bumalik mula sa tindahan si Reggie ay nagsumbong kay Demalata na nagalit sa kanya ang biktima nang hindi mabigyan ng pera.

Kalaunan ay narinig na lamang nila na minumura ng biktima si Reggie na sumunod sa lugar ng kanilang inuman.

Tinangka namang sawayin ni Demalata ang biktima ngunit hindi ito kumalma. Dito na napikon si Boyer kaya pinasok ang nasabing unit kasama ang ‘di kilalang mga kaibigan.

Sinuntok sa dibdib ni Boyet ang biktima at patuloy ang pambuno nila kaya sinaway umano ni Demalata ang iba pang kaibigan ng suspek na makihalo sa away sa loob ng kaniyang bahay.

Maya-maya ay nakita niyang duguan na ang biktima habang pinipigilan ang suspek na muli siyang tarakan hanggang sa bumulagta na ito.

Tumakas na si Boyet habang sumugod naman ang ina ng biktima upang saklolohan ang anak.

Inihahanda na ang paghahain ng reklamong homicide laban sa suspek na nakapiit sa Homicide Section. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lolo kulong sa bawal na pag-ibig

$
0
0

KULONG ang isang 70-anyos na lolo na nagmahal lamang sa 12-anyos na dalagita matapos maaktuhang hinihipo ang pribadong parte ng katawan ng biktima sa Caloocan City, kahapon.

Nakilala ang suspek na si Benjamin Cuaresco, 70, ng Camarin Rd., Brgy. 185 na itinatanggi ang akusasyon sa kanya ng mga magulang ng biktima at sinabing hinahaplos lamang niya ito dahil mahal niya at gusto niyang makasama magpakailanman.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), dakong 3:00 ng hapon, hinahanap ng kanyang ina ang biktima na itinago sa pangalang “Marie” nang isa kanilang kapitbahay ang nakapagsabi na kasama ito ni Cuaresco.

Agad nagtungo ang ina ng dalgita sa bahay ng suspek at nahuli nito sa akto ang matanda na hinihimas ang maselang parte ng katawan ng kanyang anak kaya agad nitong hinatak ang biktima bago humingi ng tulong sa mga barangay tanod na naging dahilan upang arestuhin si Curesco.

Kasong paglabag sa Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 (Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang isinampang kaso sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. RENE MANAHAN

Tatakbong kapitan, inutas

$
0
0

SINAIT, ILOCOS SUR – Isang barangay kagawad na nagpaplanong tumakbo bilang kapitan ang napatay kagabi, October 9, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Sta. Cruz, Sinait sa nasabing lalawigan.

Patay sa pinangyarihan ng krimen dahil sa tama ng bala sa ulo, batok, at leeg si Jimmy Reyes, ng nasabing barangay.

Sa imbestigasyon, nakipag-inuman si Reyes kasama ang siyam na kabarangay at dalawang suspek na hindi muna pinangalanan.

Ayon sa pulisya, si Reyes umano ang nag-aya ng inuman sa dalawang suspek at habang sila’y nag-iinuman ay bigla na lang siyang nilapitan at pinagbabaril ng mga suspek alas-9:00 ng gabi.

“Tinawagan niya daw sa cellphone ang dalawa. Pumunta naman daw sila pero hindi sila ‘yung nagkukwentuhan. Wala naman daw naging awayan,” ani Sinait Municipal Police Station (SMPS) commander C/Insp. Reynaldo Mendoza.

“Basta nilapitan na lamang siya at doon na pinagbabaril. Pagkatapos noon, umalis na sila. Na-identify naman ng mga testigo ang mga suspek,” dagdag ni Mendoza.

At-large pa rin hanggang ngayon ang mga suspek.

Hinihinalang ang pagbabalak ng biktima na tumakbo bilang barangay chairman sa susunod na May 2018 SK and barangay elections ang motibo sa pagpatay.

“Nababanggit daw ng biktima na plano niyang tumakbong kapitan. Magpipila sana siya ng kandidatura pero hindi naman tuloy ang eleksyon,” ayon pa kay Mendoza.

Kinumpirma naman ng misis ng biktima na si Yvette Reyes na plano ng mister niyang tumakbong barangay chairman.

“Sabi niya, subukan daw niyang tumakbong chairman at sana payagan siya ng mga kabarangay niya na siya ang mamuno sa kanila. Alam nila dito sa barangay namin na tatakbo sana siya sa eleksyon,” ani Yvette.

Nasa ikalawang termino bilang kagawad ng Brgy. Sta. Cruz si Reyes. ALLAN BERGONIA


‘Oppa’ nagbigti sa condo

$
0
0

NATAGPUAN ang naaagnas na bangkay ng 25-anyos na Korean national habang nakabigti sa loob ng isang condominium unit sa Quezon City kaninang madaling-araw, Oktubre 10, Martes.

Kinilala ang biktimang si Nam Hyung Kang, binata, na natagpuang naaagnas habang nakabigti ng kanyang inang si Young Rung Chon, kapwa nito Koreano, sa loob ng kanyang condominium sa Unit 29R Le-Grand II, Tower Eastwood, Brgy. Bagumbayan, QC.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Marvin P. Masangkay, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang bangkay ni Kang na nakabigti ng necktie sa hagdan ng condo unit nito dakong 2:15 ng madaling-araw.

Ayon sa ina ng biktima, pinuntahan niya ang kanyang anak na si Kang para dalhan sana ng mga pagkain at damit, subalit pagpasok nito sa condo ay sumalubong sa kanya ang masangsang na amoy.

Nang buksan nito ang ilaw ay tumambad sa kanya ang bangkay ng kanyang anak na hinihinalang may ilang araw nang patay.

Agad na nagtungo sa kusina si Chon at kumuha ng kutsilyo at pinutol ang necktie na nakapulupot pa sa leeg ng kanyang anak, bago ipinagbigay-alam sa security guard ng nasabing condo na siyang dumulog sa pulisya.

Nakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD na pinamumunuan ni P/S Insp. Maridel Bringuez ang isang suicide note at last will testament na sulat Korean ng biktima. SANTI CELARIO

Kinaiinggitang negosyante, itinumba sa Kyusi

$
0
0

TUMBA ang isang negosyante makaraang pagbabarilin sa ulo ng dalawang hindi kilalang salarin sa gilid ng Commonwealth Market sa Quezon City kaninang madaling-araw, Oktubre 10, Martes.

Kinilala ang biktimang si Rommel Roque, 27, may-asawa, ng Obanic St., Brgy. Commonwealth, QC.

Si Roque ay may-ari ng isang katayan ng manok sa Commonwelth market ay sunod-sunod na pinagbabaril sa ulo ng dalawang suspek at nasawi ala-1:30 ng madaling-araw malapit sa kanyang puwesto.

Ayon sa kapatid ni Roque na si Jenifer, nagkakape lamang ang biktima sa tapat ng kanilang katayan ng manok nang dumating ang dalawang suspek na nakamaskara at harap-harapang binaril sa ulo ang biktima na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay.

Sabi pa ni Jenifer, posibleng away sa negosyo ang sanhi ng pamamaril sa kanyang kapatid dahil marami umanong naiinggit sa biktima dahil mas marami ang bumibili sa kanila.

Maging ang barangay official sa kanilang barangay ay nagsabing walang rekord na hindi maganda sa kanilang barangay ang biktima.

Kilala umanong mabait, masipag at walang bisyo ang biktima sa kanilang lugar.

Nakarekober ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon City Police District sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon si PO3 Alvin Quisumbing, may hawak ng kaso sa naturang insidente. SANTI CELARIO

P50,000 halaga ng shabu nasabat sa Payatas, 11 dakip

$
0
0

NASAKOTE ang 11 katao sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon City Police Station 6 sa kanto ng Visayas at Bicol St., sa Brgy. Payatas B, Quezon City.

Nakuha sa mga suspek ang 32 plastic tubes na naglalaman ng hinihinalang shabu na aabot sa P50,000 ang halaga.

Nasabat rin mula sa mga suspek ng dalawang cellphone, mga drug paraphernalia, at P1,000 marked money.

Kinilala ang mga tulak ng droga na sina Rodora Clemente alyas Alma, Rosalinda del Corro, Jaycee Agundo alyas Barang, at Bessy Nava.

Nahuli rin ng mga awtoridad ang pito pang katao na naaktuhan sa gitna ng pot session sa lugar. Ito’y sina John Michael Vargas, Jimmy Padilla, Rommel Pidal, Darwin Pablo, Marvin Dela Cruz, Adrian dela Cruz, at Roward Simoy.

Ayon kay P/C Insp. Sandie Caparroso ng QCPD Station 6, sa mga nakarolyong plastic nakasilid ang mga ipinagbabawal na gamot para madali itong ilusot sa mga butas sa pader ng mga drug den at bahay ng mga tulak.

Sa katunayan, aniya, pagpasok pa lamang sa compound ay makakasalubong na ng mga tulak at lantarang nag-aalok ng shabu.

Dagdag pa ni Caparroso, mayroong isang unit sa lugar na ginagamit bilang parlor ngunit ‘front’ lamang ito ng mga suspek. Pagpasok sa sumunod na kwarto ng parlor ay mayroong malaking lugar kung saan ginagawa ang pot session.

Sa naturang lugar din ay mayroong dalawang lagusan palabas na hindi kapansin-pansin. Ito ang ginagamit ng mga suspek para sa madaliang pagtakas sakaling salakayin sila ng mga pulis.

Kasalukuyang nakapiit ang 11 suspek sa detention facility ng QCPD Station 6. Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Section 5, 11, 13, 14, 15, at 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang pinaka-ugat ng kalakalan ng iligal na droga sa lugar na matagal nang mailap sa mga operasyon ng mga pulis. JOHNNY ARASGA

Policewoman tigok, 1 malubha sa pagsemplang

$
0
0

URDANETA CITY, PANGASINAN – Dahil sa madulas na kalsada dulot ng ulan, isang policewoman ang namatay habang malubhang nasugatan ang kasamahan nito matapos sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng Brgy. San Vicente, Urdaneta City sa nasabing lalawigan nitong Lunes, October 9.

Nakilala ang biktimang si PO1 Jonalyn Pagaduan, 23, isang Field Training Police (FTP) ng Urdaneta City Police Office (UCPO), ng Brgy. Killo, Sison, Pangasinan.

Samantala, patuloy ang medical observation ang kasamahan nitong si PO1 May Flor Wisco, 23, isa ng FTP-UCPO, ng Brgy. Barangodong, Sison.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng national road ng Brgy. San Vicente kung saan sumemplang ang dalawang pulis at humampas ito sa isang poste dahil sa basang kalsada dulot ng pag-ulan.

Kahit na may safety helmet ang dalawa, napuruhan sa ulo si Pagaduan na agad nitong ikinamatay habang si Wisco ay agad naman isinugod sa ospital. ALLAN BERGONIA

Binatilyo, durog sa trak

$
0
0

PATAY ang isang 14-anyos na lalaki matapos masagasaan ng isang 14-wheeler truck sa Tondo, Maynila kagabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jason Seseño, kung saan makikita sa kanyang tabi ang mga barya na kinita nito mula sa pagmamando ng trapiko.

Sa report ng Manila Police Traffic Bureau, dakong 9:00 ng gabi nang naganap ang insidente sa Road 10, malapit sa Gate ng Pier 16, Tondo, Manila.

Ayon sa salaysay ng mga kasamahan ni Seseño, nagmamando ng trapiko ang biktima nang masagasaan ng isang trak na may plakang REY-566.

Nauna umanong naipit sa gulong ng trak ang paa ang biktima subalit natumba ito hanggang sa pumailalim ang katawan nito sa truck.

Depensa naman ng truck driver na si Crisologo Tacliad, hindi niya napansin na humarang sa tagiliran ang biktima para umano pasingitin ang isang sasakyan. Nakapila umano si Tacliad papasok sa gate ng Pier 16 para kumuha ng container van.

Hindi naman pinapababa ng pulis si Tacliad upang maiwasan na kuyugin ito ng mga tao sa lugar.

Kasong kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kinakaharap na kaso ang truck driver. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Viewing all 8129 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>