MAY 14 kilo ng shabu na halagang P112-milyon ang nakumpiska ng Ozamiz City police sa isinagawang serye ng drug operations sa Misamis Occidental nitong Miyerkules.
Sinabi ni C/Insp. Jovie Espenido, Ozamiz City police chief, na ang nakumpiskang droga ay lumang stocks ng pamilya Parojinog, na ang ilan sa mga miyembro ay kundi napatay ay naaresto kasunod ng madugong pre-dawn drug raid na nagiwan ng 15 patay kabilang ang patriyarka ng Parojinog family.
“Lumang supply iyan, pagdating ko sa Ozamiz tinago nila. Ngayon lang inilabas dahil nakita nila, na naghahanap sila ng pera at patay na yung papa nila,” pahayag ni Espenido.
“According sa nakuha naming information up to 86 kilos iyan last year. ‘Yung transaksyon nila, ‘yung taga-Cebu, magpupunta sa Ozamiz, sakay lang ng barko. Ganundin ‘yung taga-Lanao, taga-General Santos,” kwento pa nito.
Nauna nang sinabi ng kapulisan na nasabat nila ang may P32 milyon halaga ng suspected shabu mula sa isang nagngangalang Butch Merino sa hiwalay na anti-illegal drug operations na inilatag nitong Miyerkules.
Si Merino ay dating tsuper at bodyguard ng nakakulong na si Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog.
Sinabi ng pulisya na si Merino ay nahuli sa isang checkpoint at nakarekober sa kanya ng isang kilo ng shabu na halagang P8-milyon, isang firearm, at dalawang magazine.
Sinabi ni Espenido na ang supplier ni Merino ay isang nagngangalang Melden Rabarez, na nadakip sa isang entrapment operation kasama ang isang Roselyn Walohan.
Isa pang kilo ng shabu at cash na mahigit na P27 milyon ang nakuha naman mula kay Rabarez.
Ang shabu aniya na kanilang nakumpiska ay nakakasang kunin ng isang distributor sa Lanao.
Ayon naman kay C/Insp. Cipriano Bazar, Jr., acting head ng Regional Tactical Operations Center, nagsagawa ang Ozamiz City police ng isang simultaneous serving ng search warrant nitong Miyerkules ng gabi na humantong sa pagdakip kay Melodin Malingin at Gaudencio Malingin, kilalang supporters ng mga Parojinogs.
Gayunman, ang iba pang suspek na nakilalang sina Maychell Parojinog Gumapac, Manuelito Francisco, Rizalino Francisco, June Francisco, Ricardo Parojinog, at Christopher Parojinog ay nananatiling nakakalaya.
Nakumpiska sa bahay ng Malingins ang walong kilo ng shabu na nakalagay sa walong plastic bags at nakarolyo sa aluminum foil.
Narekober naman sa bahay ni Gumapac ang dalawang kilo ng shabu na nakalagay sa dalawang plastic bags, isang unit steel vault, isang airsoft rifle, at isang long magazine.
Habang nakumpiska sa bahay ng mga Francisco ang 1 M4 Boost Master, 3 short M16 magazine, 1 bandoler, 90 piraso ng live ammunition ng M16, 2 rifle grenade launchers, 3 live ammunition ng M203 at 20 empty cartridges ng M16.
Samantala, narekober sa bahay ng Parojinog ang 1 M16 rifle, 1 steel short magazine, 19 live ammunition ng 5.56 caliber, at 1 hand grenade.
Sinabi ni Espenido na nakatanggap siya ng impormasyon na si Vice Mayor Parojinog ay may alam pa rin sa umano’y drug transactions kahit siya ay nakakulong sa PNP Custodial Center. BOBBY TICZON