Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all 8129 articles
Browse latest View live

Kelot sa LRT, huli sa ecstasy, cocaine at shabu

$
0
0

HULI ang isang lalaki matapos itong mahulihan ng iligal na droga nang itoy papasakay sana sa LRT 2, Araneta Cubao station.

Kinilala ang suspek na si Adiv Zimran Santiago, 21, ng Brgy. San Roque, Cubao at sinasabing estudyante sa isang kilalang unibersidad sa Maynila.

sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, nasa entrada ng LRT 2 Araneta Cubao Station si Santiago at papasakay sana sa LRT.

Ngunit nang kapkapan at buksan ang kanyang bag ay nakita ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga.

Nang makita ito ng security guard ay agad na tumakas ang suspek. Hinabol ng guwardya si Santiago at nahuli ito sa kalapit lamang na mall.

Nakumpiska mula rito ang apat na sachet ng marijuana, isang sachet na naglalaman ng anim na tableta ng ecstacy, isang sachet ng cocaine, isang sachet ng hinihinalang iligal na droga, isang bote ng liquid ecstacy, at tatlong bote na may bakas ng liquid ecstacy, mga drug paraphernalia, at ₱51,920 cash.

Sinasabing ire-remit dapat ni Santiago ang pera sa kanyang supplier nang ito’y mahuli.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa himpilan ng QCPD Station 7. JOHNNY ARASGA


4 na lola, 8 iba pa tiklo sa drug den raid

$
0
0

NAKWELYUHAN ng pulisya ang 12 katao kabilang ang apat na lola nang salakayin ang dalawang drug den sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Baliwag, Bulacan kaninang Huwebes ng madaling-araw.

Nakakulong na ngayon at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na nakilalang sina Rosario Nicdao, 68, Ofelia Mendoza, 58, April Silva, 57, Priscilla de Leon, 68, Rolando Bautista, 49, Rodel Mangulabnan, 39, Romnick Angeles, 29, Reynaldo Sales, 34, Edwin Castillo, 40, Reynaldo Gipa, 26, Jeffrey Santos, 33, at si Paulo Taguinod, 33, pawang ng nasabing barangay.

Sa ulat, dakong 12: 14 a.m. nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang dalawang bahay na pag-aari nina Nicdao at De leon sa nasabing barangay na parehong ginagawang drug den.

Ayon sa PDEA, inilunsad ang raid base sa dalawang search warrant na ipinalabas ng mababang hukuman sa Malolos City, Bulacan.

Nakumpiska sa mga suspek ang ilang pakete ng shabu at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia. BOBBY TICZON

Fast craft lumubog sa Quezon, 4 patay

$
0
0

APAT ang kumpirmadong patay sa lumubog na fast craft sa Polillo Island, Quezon.

Ito ang pinakahuling update ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa lumubog na MV Mercraft 3 sa isinagawang pagberipika.

Ayon kay PCG Spokesperson Armand Balilio, may mga na-rescue na ang kanilang hanay mula sa fastcraft at patuloy ang kanilang kumpirmasyon sa bilang ng mga ito.

Aniya, problema lamang ngayon ng coast guard ang masamang panahon kaya nahirapan ang kanilang mga personnel na magsagawa ng retrieval at rescue operation.

Tiniyak naman ng PCG na walang prohibition ang biyahe pagkat nakalagpas na ang bagyong Urduja sa bahagi ng lalawigan, samantalang nasa Mindanao naman ang bagyong Vinta.

May lulan na 251 pasahero ang naturang barko na naiulat na lumubog sa pagitan ng bisinidad ng Dinacahan Point, Infanta at Agta Point, Polilio Island, dakong 8:30 ng umaga, matapos itong maglayag mula Real, Quezon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

3 timbog sa drug raid sa Payatas

$
0
0

TIMBOG ang tatlong lalaki sa Ipil-Ipil St., Brgy. Payatas-B, Quezon City matapos na maghain ng search warrant ang pinagsanib na pwersa ng DDEU QCPD, SRU, PDEA RO-NCR at SDEU PS 6.

Ang target ng operation ay si John Zafra alyas Abraw na hindi na nakapalag pa matapos na pumasok ang mga pulis sa kanyang bahay, dito naaresto pa ang dalawang lalaki.

Nakuha ng mga pulis ang 35 plastic sachets ng shabu sa loob ng bahay ng mga suspek na may bigat na 15 gramo at street value na P75,000.00.

Nakumpiska sa raid ang iba’t ibang drug paraphernalia; isan g barrel ng cal. .45 at mga bala ng baril.

Nahaharap sa paglabag sa RA 10591 at Sec. 11 & 12 ng RA 9165, ang mga suspek. JOHNNY ARASGA

3 patay, 20 sugatan sa aksidente sa QC at Pasig

$
0
0

PATAY ang isang babae at isang lalaki na kapwa sakay ng isang motorsiklo makaraang pumailalim sa isang bus sa panulukan ng Congressional Ave. at Mindanao Ave. sa lungsod Quezon.

Ayon sa saksi, parehong mabilis ang takbo ng motorsiklo at bus na parehong nanggaling sa Mindanao Ave.

Sa bilis ng takbo ng motorsiklo ay nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa bus na siya namang sumampa sa center island at bumangga sa puno.

Nang hanapin ng mga saksi ang motorsiklo ay laking gulat nila na pumailalim na pala ito sa bus.

Nagtulung-tulong ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Quezon City Rescue Team para makuha mula sa ilalim ng bus ang mga biktima.

Samantala, patay din ang isang lalaking rider matapos maaksidente habang binabagtas ang Mindanao Ave. tunnel sa Quezon City.

Kinilala ang rider na si Carlo Dagpin, 22, tubong Zamboanga del Norte. Sugatan naman ang angkas nitong si Ferdinand Somido.

Ayon kay PO2 Walter Tuengan ng Quezon City Traffic Sector 6, kapwa nakainom si Dagpin at Somido na nanggaling pa ng Valenzuela at patungo sana ng Tandang Sora. Bumangga umano ang sinasakyang motor ng dalawa sa center island at tumilapon ang mga sakay nito.

Sinasabing hindi suot ni Dagpin ang kanyang helmet.

Samantala, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad ay isa namang motor ang bumangga sa isang SUV sa kabilang bahagi lamang ng kalsada.

Ayon sa rider na si Jerome Arpa, biglang tumigil ang Isuzu DMax na minamaneho ni Dianne Lin para tingnan ang naunang aksidente.

Dahil dito ay hindi agad nakapagpreno si Arpa, na nagresulta sa pagbangga sa SUV.

Maswerteng galos lamang ang natamo ni Arpa at angkas nitong si Romeo Yano, na wala namang suot na helmet.

Sa Pasig City naman, kapwa sugatan ang isang tricycle driver at motorcycle rider matapos silang magkabanggaan sa kahabaan ng Shaw Blvd. na sakop ng Brgy. Pineda.

Kwento ng rider na si Derrick Olarte, binabagtas niya ang Shaw Blvd. nang mag-counterflow at banggain ng tricycle na minamaneho naman ni Reggie Samson.

Ani Olarte, nakikipagkarera Samson na dahilan kung bakit mabilis ang takbo nito. Aminado naman si Olarte na nakainom siya.

Ngunit giit naman ni Samson, si Olarte ang mabilis ang pagpapatakbo at siyang kumain ng kanyang linya.

Ayon pa rito, ilang beses nang ginalaw ni Olarte ang posisyon ng motor at tricycle bagaman mayroong pulis na nasa lugar. JOHNNY ARASGA

AFP airstrike sa Maguindanao, 13 BIFF dedo

$
0
0

NASA 13 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS Inspired Group) ang namatay sa isang airstrike na inilatag ng Kato Detachment ng 57th Infantry Philippine Army sa Sitio Makun, Brgy. Maitumaig, Datu Unsay Maguindanao alas-10:00 kagabi.

Dalawang Agusta 109 attack helicopters ng Philippine Air Force ang bumomba sa BIFF habang nagpakawala rin ng mga bala ng 105 mm. howitzers cannon ang ground force ng militar sa lugar na nagtatago ang mga terorista.

Natapos ang airstrike alas-2:00 ng madaling-araw kanina matapos umatras ang mga rebelde.

Bago pa man umatake ang BIFF ay natunugan na sila ng mga sundalo at lumikas na ang mga sibilyan na karamihan ay Teduray.

Sinunog din ng mga terorista ang tatlong bahay ng mga sibilyan na gagawin sanang pananggalang (human shield), ngunit una nang lumikas.

Kinumpirma ng mga lider ng katutubong Teduray na mahigit 10 ang nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.

Ngunit ayon kay BIFF Spokesman Abu Misry Mama, may nasawi at nasugatan din sa mga sundalo.

Pero tinawanan lamang ito ng militar at sinabing nanaginip lamang ang tagapagsalita ng mga terorista.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng AFP laban sa BIFF sa Maguindanao. BOBBY TICZON

Indiscriminate firing incidents: 3 nadale, 7 tiklo

$
0
0

TATLO ang sugatan matapos matamaan ng ligaw na bala sa panahon ng Kapaskuhan, ayon sa pahayag kaninang Martes ng umaga Philippine National Police (PNP).

Sa PNP data mula December 16 – 26, 2017, 6 a.m., lumabas na ang mga biktima ay mula sa National Capital Region, Regions 3, at 5.

Mayroon ding isang naitalang insidente ng stray bullets sa Region 1 at isa rin sa Region 13.

Pitong katao kabilang ang dalawang police personnel, ang naaresto habang pito naman ang hinahanting pa dahil sa illegal discharge ng baril.

Naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 2 PNP personnel, isang barangay kagawad sa Region 1, at apat na sibilyan sa Regions 3 at 7.

Isa sa mga naaresto ay nakilalang si Police Officer 1 Arnold Gabriel Sabillo na nakatalaga sa Montalban Police Station. Nahuli si Sabilla nang mag-report ang isang concerned citizen reported na may nagpapaputok ng baril sa may Sgt. De Leon St., HBO compound, Brgy. Santolan, Pasig City noong December 24, 1 p.m..

Narekober sa kanyang posisyon ng isang 9 mm. beretta na may 11 live ammunition habang narekober naman mula sa lugar ng pinangyarihan ang tatlong napaputok na cartridge cases.

Samantala, hinahanap ng pulisya ang limang sibilyan sa Metro Manila, isang ex CAFGU sa Region 5, at isang PNP personnel sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na nagpaputok din ng kanilang mga baril.

May walo ring biktima ng paputok na ang apat ay sa Metro Manila, isa sa Region 1, isa sa Region 6, isa sa Region 8, at isa sa Cordillera Administrative Region (CAR).

May anim namang indibidwal ang naaresto ng pagdadala ng baril, paggamit, o pagbenta ng firecrackers habang ang tatlo naman ay nananatiling nakakawala. BOBBY TICZON

Koreano, Pinoy arestado sa QC buy-bust ops

$
0
0

TIMBOG ang isang Korean national sa isang buy-bust operation na isinagawa ng station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) sa Commonwealth Ave., Brgy. Old Balara.

Ang suspek na si Jeon Tael Sang, 45, ay mula sa Busan, Korea.

Kasama rin sa nasakote ang kasama nitong Pinoy na si Bobby Ortalla, 30, na taga-Fairview.

Ayon kay QCPD station 6 commander Supt. Rocel Cejas, nagpositibo ang kinasa nilang buy-bust operation laban sa mga suspek matapos na bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Hindi na nakapalag pa ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga pulis.

Nakuha sa mga suspek ang siyam na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 15 grams at tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga.

Kasama namang ipapadala sa PDEA ang nasabat na tatlong pirasong tableta para masuri kung ito ay party drug o ecstasy.

Nahaharap ang dalawa sa kasong pagtutulak ng bawal na gamot. JOHNNY ARASGA


Pumatay sa mag-ina sa Cavite, sumuko na

$
0
0

SUMUKO na kaninang Huwebes ng umaga ang lalaking pumatay sa isang mag-ina sa General Trias, Cavite noong Disyembre 8.

Pasado 7:30 a.m. nang biglang lumutang sa tanggapan ng Eastern Samar Provincial Police Office (ESPPO) ang suspek na nakilalang si Ruel Cabatingan, 36, isang overseas Filipino worker (OFW) at residente ng Imus, Cavite.

Si Cabatingan na matapos ang pagpaslang sa mag-inang sina Ruby Gamos at anak nitong si Shaniah Nicole ay nagtago sa Eastern Samar at doon na siya sumuko.

Inamin naman agad ni Cabatingan ang pagpaslang sa mag-ina at ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang sanhi ng pagpatay ay matinding selos.

Nabatid na pabalik na ng Pilipinas ang mister ni Ruby na si Marlon na isa ring OFW na nagtatrabaho sa United Arab Emirates.

Sa mas malalim pang imbestigasyon, lumalabas na pinag-aawayan ng suspek at ng ginang ang pag-uwi ni Marlon ng Pilipinas.

Nabunyag din sa pagsisiyasat na may lihim na relasyon pala ang suspek at si Ruby at sa katunayan ay nabuko na may inuupahang kwarto ang magkarelasyon sa katabing bayan sa Cavite.

Lumabas din sa resulta ng awtopsiya na may nakitang semilya sa ari ni Ruby na isang senyales na ito ay may karelasyon.

Ipagma-match ang semilya ng suspek sa nakuhang semen sa pribadong bahagi ng katawan ni Ruby at kapag naman nag-match, tiyak na swak na ang suspek sa kasong double murder.

Pinili na lamang ni Marlon na itikom ang kanyang bibig hinggil sa nasabing usapin.

Matatandaang huling nakausap ni Marlon ang kanyang misis na si Ruby noong Disyembre 7.

Nang pumutok naman ang balitang ito, inatasan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang naturang kaso. BOBBY TICZON

Lolo nabundol ng tren, patay

$
0
0

ISANG 50-anyos na lolo ang binawian ng buhay nang mabundol ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Tondo, Maynila.

Naitakbo pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Antonino Prestosa, tricycle driver, ng 1080 Yuseco St., Tondo, Maynila ngunit binawian din ng buhay.

Sa imbestigasyon ni SPO1 John Allan Abadilla ng Manila Police Traffic Enforcement Unit, dakong 10:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa riles ng tren sakop ng Brgy. 228 Zone 21 sa Batangas St., Tondo.

Ayon sa ilang saksi, nakita umano nilang papatawid ang biktima habang paparating naman ang tren na may body number NSC-1037 na minamaneho umano ni Leonardo Colombong, patungong Alabang at isa pang tren ang paparating na patungo naman sa Tutuban, kaya hinihinalaang nalito ang biktima.

Dito na siya nabunggo ng tren at tumilapon nang ilang metro saka at humampas ang bandang likurang bahagi ng ulo na nagkaroon ng malaking sugat na aabot sa anim na pulgada. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mandaluyong police chief, 10 pulis sibak sa mistaken identity

$
0
0

SINIBAK na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Oscar Albayalde kaninang Biyernes ng umaga si Mandaluyong City police chief Sr./Supt. Moises Villaceran, Jr. at 10 sa kanyang tauhan na nasangkot sa isang shooting incident sa lungsod na ikinamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng dalawa pa.

“We have ordered the administrative relief of the 10 including the team leader. For the meantime, the chief of police of Mandaluyong was also relieved,” pahayag ni Albayalde sa isang press conference.

Nang tanungin kug may ‘lapses’ sa parte ng mga rumespondeng police officers, “Sa tingin ko ay mayroon.”

“Halos 36 shells ‘yung na-recover natin. We’ll see (if there is a lapse but) we are not discounting the fact na may paglabag ng police operational procedures,” pahayag pa nito.

Idinagdag pa ni Albayalde na posibleng may overkill sa parte ng mga pulis pero dahil nabigyan sila ng maling impormasyon ay sisilipin din natin.

“Sinabihan sila na armado ‘yung nasa sasakyan kaya bumaril sila,” sambit pa nito.

Sinabi ng NCRPO chief na ang mga barangay tanod na naunang nagpaputok ay isasailalim din sa imbestigasyon.

Sa nasabing insidente, dalawang katao ang nalagas habang dalawang iba pang ang nasugatan nitong Huwebes ng gabi nang paulanan ng Mandaluyong City watchmen at police officers ng putok ang isang puting Mitsubishi Adventure na inakala nilang isang getaway car.

Ang sinasabing “getaway car” ay ginamit na sasakyan para itakbo sa ospital ang isang shooting victim na nakilalang Jonalyn Ambaan. Nauna dito, umawat lamang si Ambaan sa isang argumento nang barilin siya ng isang LPG delivery man sa may Brgy. Addition Hills, dakong 10:20 p.m.

Kasama nito ang kanyang kaibigang si Jomar Hayawon na sa kasamaang-palad ay napatay sa mga putok ng baril na ipinutok ng mga pulis at barangay tanods.

Sa pagsisiyasat, inakala pala ng mga barangay watchmen na ang suspek na bumaril kay Ambaan ang siyang nakasakay sa SUV at nagtatangkang tumakas.

Sa pagresponde ng mga pulis, sinabihan sila ng mga watchmen na ang naturang SUV ay sakay ang armadong suspek at nang makitang binabaril ng mga tanod ay sumali na rin at pinutukan ang sasakyan.

Sa kasamaang-palad, napatay si Ambaan sa pangraratrat kasama si Hayawon.

Sugatan naman ang iba pang sakay ng SUV na nakilalang sina Eliseo Aluad, Jr. at Danilo Santiago.

Nasa kustodiya na ang 10 police officers na sangkot sa insidente, pahayag ni Albayalde.

Kung mapapatunayan naman na may kasalanan ang mga sangkot na pulis, maaaring maharap si Villaceran Jr. sa kasong homicide o murder. BOBBY TICZON

Kelot patay sa utang

$
0
0

PATAY ang isang 36-anyos na lalaki nang barilin matapos hindi makapagbayad ng utang kamakalawa ng gabi sa Baseco Cmpd., Port Area, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Diosdado Martinez, ng Port Area, Maynila, habang nakatakas naman ang suspek na si Reymund Lazaro, 26, anak ng dating kinakasama ng suspek.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-homicide section, dakong 11:40 ng hatinggabi nang dumating sa bahay ng biktima ang suspek at kaagad na binaril ito sa dibdib.

Bagama’t may tama na ay nagawa pang makatakbo ng biktima subalit muli itong binaril sa ulo bago tuluyang tumakas ang suspek.

Nabatid na ang biktima at suspek ay nakatira sa iisang bahay dahil dating magkarelasyon ang kanilang mga magulang.

Nabatid na nag-away na rin ang dalawa bago mag-Pasko pero naawat ng ilang residente.

Sa impormasyong nakuha, ibinenta umano ng suspek ang tinutuluyang bahay ng biktima kung saan ang kanyang ina ang tunay na may-ari nito na kasalukuyan namang nagtratrabaho sa Middle East.

Napag-alaman pang may utang na P5,000 ang biktima sa suspek ngunit hindi na ito nakapagbayad pa dahilan upang mauwi sa pagtatalo at pamamaril.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Bahay ni Freddie Aguilar, nasunog

$
0
0

TINUPOK ng apoy ang tahanan ng ‘Anak’ singer na si Freddie Aguilar sa North Fairview, Quezon City kaninang madaling-araw.

Halos 70 porsyento ng bahay ng singer ang natupok ng apoy na nagsimula sa music room.

Ayon kay Aguilar, nasa Ka Freddie Bar siya sa Tomas Morato nang tawagan siya ng kanyang anak para sabihing nasusunog na ang kanyang bahay.

Ayon sa singer, una niyang inalala ang buntis na asawang si Jovie.

Mabuti na lamang at mayroong nagmagandang loob na kapitbahay na nag-abot ng hagdan sa balkonahe na ginamit ni Jovie para makababa at makatakas sa nasusunog na bahay.

Wala pang pinal na assessment ang Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) tungkol sa halaga ng pinsala sa naturang sunog, ngunit ayon kay Aguilar, ang pagpapatayo ng kanyang bahay ay nasa P13-milyon – P15-milyon.

Bukod pa ito sa kanyang mga antigong gamit at muwebles, paintings, koleksyon ng gitara at plaka kabilang ang orihinal na plaka ng kanyang sikat na kantang Anak, at mga trophy mula sa mga pagkilala na aniya’y priceless.

Bagaman naabo ang lahat ng kanyang naipundar ay laking pasasalamat na lamang ni Aguilar at ligtas ang kanyang pamilya.

Paalala naman ng BFP, dapat ay agad na ayusin ang mga leak sa bahay at mga linya ng kuryente para makaiwas sa sunog. SANTI CELARIO

Kelot hinampas ng bato, tepok

$
0
0

HINIHINALANG hinampas ng malaking bitak ng bato sa ulo ang isang lalaking natagpuang patay sa gitna ng kalsada sa Baseco Cmpd., Port Area, Maynila Miyerkules ng madaling-araw.

Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakilanlan ng biktima na nakasuot ng pulang T-shirt at puting shorts at posibleng isang kuliglig driver dahil sa nakitang tali na gamit sa pagpapaandar ng kuliglig.

Sa tabi ng bangkay ng biktima nakita naman ang malaking bitak ng bato na posibleng ipinukpok o inihampas sa ulo nito kaya nabasag ang kanyang mukha at bungo.

Sa imbestigasyon, posible umanong nagkaroon ng rambol sa lugar dahil sa mga bubog ng basag na bote na nagkalat sa paligid ng biktima.

Tinitingnan namang anggulo ng pulisya ang posibilidad na nadamay lamang ang biktima sa gulo.

Gayunman, maari din umanong kasama sa riot ang biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mister dedbol sa pamamaril ng riding-in-tandem  

$
0
0
PATAY ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling-araw Enero 2, 2018 (Martes).

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Raymar Garais,39,construction worker, residente ng Geronimo St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches,QC.
 
Si Garais ay nasawi habang isinusugod sa Novaliches District Hospital dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Ayon sa ulat ng QC Police District  dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang pauwi umano si Garais galing sa trabaho at naglalakad ito sa Novaliches nang biglang sumulpot ang dalawang kalalakihan na kapwa nakasuot ng itim na jacket sakay ng motorsiklo at niratrat ang biktima.

Dalawang tama ng bala ng baril ang tumama sa biktima at  duguan na itong nakahandusay sa kalye.

Matapos ang pamamaril  tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng  Sarmiento Street sakay ng isang  motorbike na walang plaka.

Nasamsam sa lugar pinagyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala, isa mula sa.45-caliber pistol at ang isa naman ay sa 9-mm pistol.
 
Sinisiyasat pa ng mga operatiba ng QC police ang insidente ng pamamaril sa biktima. SANTI CELARIO


Bahay ni Freddie Aguilar, naabo

$
0
0
AABOT sa P20 milyon halaga ng ari arian ang naabo makaraang tupukin ng apoy ang bahay ng beterano at sikat na singer na si Freddie Aguilar sa Brgy. North Fairview, Quezon City kagabi Enero 3, 2018 (Miyerkules).
 
SA loob ng 30-minuto naabo ang bahay ng singer na tumupok sa dalawang palapag (2) na bahay nito.   
 
Ayon kay FO3 Dereck Caranto arson investigator ng Quezon City-Bureau of Fire Protection (QC-BFP) sumiklab ang apoy dakong 10:50 ng gabi sa ground floor ng music room sa bahay ng singer Freddie Aquilar sa no. 18 Avery St., North Fairview Park Subdivision, Brgy. North Fairview, QC.
 
Nabatid sa ulat na dakong 11:38 ng gabi nang ma-fire out ang sunog sa bahay ni Ferdinand Pascual Aguilar sa tunay na buhay.
 
Sinabi pa sa ulat na habang nasusunog ang unang palapag, nasa second floor ang buntis na misis ni Ka Freddie na si Jovie, 21, at biyenan nito.
 
Nakaligtas ang misis ni Freddie Aguilar na si Jovie at biyenan nito sa pamamagitan ng pagdaan sa balkonahe saka gumamit ng hagdanan pababa.
 
Dalawang anggulo naman ang tinitingnan pinagmulan ng sunog, overloading sa electrical system at posibleng may leak sa tubo ng tubig na maaaring umabot sa wiring ng tahanan ng pamilyang Aguilar.
 
Ayon kay Ka Freddie, nalulungkot siya dahil ipapamana sana niya sa kanyang mga apo ang collector’s items na kanyang pagmamay-ari pero nagpapasalamat na rin siya dahil walang nasaktan o kaya nasawi sa kanyang pamilya.
 
Wala naman iniulat na nasugatan sa naturang sunog. SANTI CELARIO

Dalagita rineyp, pinatay saka isinako ng nobyo

$
0
0

NAAAGNAS na nang matagpuan ang bangkay ng isang 17-anyos na dalaga sa isang bakanteng lote sa Brgy. Puntod, Cagayan de Oro City na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay ng kanyang kasintahan.

Sa imbestigasyon, magkasama ang magkasintahan na sina Ric Jan Polinar, 21, at Jerra May Lumacang sa isang kasiyahan noong bisperas ng Bagong Taon.

Nagselos umano si Polinar nang malaman na dating mga karelasyon ni Lumacang ang kanilang mga kainuman.

Napag-utusan silang magkasintahan na bumili pa ng alak, pero nang pabalik na sila, hinila ni Polinar si Lumacang sa bakanteng lote at doon ginahasa.

Matapos gahasain ang kasintahan, pinukpok ni Polinar si Lumacang sa ulo gamit ang martilyo at saka ito isinilid sa sako na kalaunan ay nakuha ng mga pulis.

Walang suot na saplot pang-ibaba si Lumacang nang matagpuan ng mga pulis, habang ang ginamit na martilyo ni Policar ay natagpuan malapit sa kanyang bangkay.

Dinala na sa crime laboratory ang mga ebidensyang natagpuan sa crime scene para sa imbestigasyon.

Sa ngayon, hawak na ng pulisya si Polinar at nakasuhan na rin ng rape with homicide. JOHNNY ARASGA

Ginang nalunod sa timba

$
0
0

LINGAYEN, PANGASINAN – Patay ang isang 52-anyos na babae matapos malunod sa isang timbang tubig sa loob ng banyo sa Lingayen sa nasabing lalawigan nitong Martes, January 2.

Kinilala ang biktimang si Merly Velasco, ng Brgy. Tonton sa nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng Lingayen police, maliligo noon ang biktima ngunit aksidente itong nadulas at nabagok ang ulo saka nalublob sa tubig sa timba.

At dahil nawalan ng malay, hindi na nagawa pang makaahon ni Velasco at tuluyan na itong binawian ng buhay.

Nakita ang biktima ng kanyang kapatid na si Bernadine Velasco na agad na dinala sa ospital ngunit idineklara na itong patay.

Nabatid na may kapansanan sa pag-iisip ang biktima. ALLAN BERGONIA

48-oras na gun ban, ipapatupad sa Maynila

$
0
0

MAGPAPATUPAD ng 48 oras na gun ban sa Lungsod ng Maynila bilang bahagi ng seguridad na  ipatutupad ng Manila Police District (MPD)  sa Translascion ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.

Epektibo ang gun ban sa Enero 8 ng hating-gabi hanggang Enero 10 ng hating-gabi.

“Permit to carry will be temporarily suspended for the entire city of Manila,” ayon kay MPD District Director Supt.Joel Coronel sa isang press briefing sa Quiapo. Tanging ang mga kapulisan at nagbibigay ng seguridad sa Pangulo at cabinet officials ang pinapayagang magdala ng baril o exempted sa gun ban.”

Nag-isyu naman ng no fly zone ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng aircrafts at mga drones sa ruta na dadaanan ng  Translascion.

Inirekomenda rin ni Coronel kay Manila Mayor Joseph Estrada na magpatupad ng liquor ban mula  6:00 ng gabi sa Enero 8 hanggang 6:00 ng umaga sa Enero 10. Magkakaroon rin ng signal jammer sa lokasyon kung nasaan ang prusisyon na di katulad noong nakalipas na taon na talagang pinutol ang linya ng komunikasyon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Pumila sa Pahalik: 2 babaeng mandurukot huli sa Quiapo

$
0
0

NASAKOTE ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang hinihinalang babaeng mandurukot sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.

Kinilala ang mga naarestong sina Roseta Macato at Marilyn Oyong.

Nabatid na habang nasa pila ng pahalik sa Nazareno ay dinukutan ng dalawa ang biktimang si Cristy Cortez.

Sinabi ni Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng MPD Station 3, bahagyang nagkagulo sa pila ng pahalik nang mapansin ng biktima na dinudukutan siya.

Dito na nagsisigaw ang biktima dahilan upang magkaroon ng komosyon sa lugar.

Hinabol naman ng mga miyembro ng citizen crime watch ang mga suspek at nabawi dito ang cellphone ng biktima.

Paalala naman ng pulisya sa mga magtutungo sa Quiapo ngayong araw hanggang sa pista ng Nazareno na huwag magdala ng mga mamahaling gamit tulad ng mga cellphone at alahas upang makaiwas sa pandurukot at snatching.

Gayunpaman, tiniyak ng MPD ang mahigpit na seguridad na kanilang ipatutupad sa taunang Traslacion. JOHNNY ARASGA

Viewing all 8129 articles
Browse latest View live