Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all 8129 articles
Browse latest View live

Miyembro ng Masculados timbog sa shabu

$
0
0

TIMBOG ang isang miyembro ng grupong Masculados matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang Oplan Sita ng Taguig City police kaninang madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Robin Robel, 37, ng Quezon City, kasama ang isang Rodel Isaac.

Ayon kay Taguig City chief-of-police Sr./Supt. Alexander Santos, nagsasagawa ng simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation ang mga tauhan ng Maharlika PCP-2 nang mapansin ang isang kahina-hinalang kotse na naka-hazard habang nakaparada sa bahagi ng MLQ Ave., Brgy. New Lower Bicutan.

Nilapitan ng mga pulis ang kotse para kausapin ang driver nito at nagpakilala namang artista ang suspek.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ay kinapkapan ito ng mga pulis ang nakuha kay Robel ang dalawang plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 2.4 gramo.

Nasa kustodiya na ng Taguig City Police si Robel, gayundin ang lalaking kasama nito na nahaharap ngayon sa kasong paglabag R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -30-


2 bebot, arestado sa pila ng pahalik sa Quiapo

$
0
0

KULONG ang dalawang babae na hinihinalang mandurukot matapos maaresto nang mambiktima sa pila ng pahalik sa simbahan ng Quiapo Biyernes ng umaga.

Nabatid na nagsisigaw ang biktimang si Cristy Cortez nang dukutan siya ng mga suspek na sina Roseta Macato at Marilyn Oyong.

Ayon kay Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng Station 3 ng MPD, bahagyang nagkagulo sa pila ng pahalik kaya agad na rumisponde ang kanyang mga tauhan .

Mabilis ding hinabol ng mga miyembro ng citizen crime watch ang mga suspek at nabawi sa kanila ang cellphone ng biktima.

Muli namang nagpaalala ang kapulisan sa publiko na magtutungo sa Quiapo hanggang sa kapistahan ng Itim na Nazareno na huwag nang magdala pa ng mamahaling gamit upang hindi na mabiktima pa ng mandurukot at snatching.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng MPD na mahigpit ang ipapatupad na seguridad sa buong paligid ng Quiapo gayundin sa Qurino Grandstand kung saan magsisimula ang prusisyon ng andas ng Itim na Nazareno pabalik ng simbahan ng Quiapo sa Martes. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Labandera, itinumba ng hitman

$
0
0

DALAWANG tama ng bala ang ibinaon sa ulo ng isang labandera matapos barilin habang natutulog kaninang madaling-araw sa kanyang barong-barong sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Richie San Juan, 39, nakatira sa isang barong-barong sa tabi ng riles ng tren.

Sa imbestigasyon ng MPD-Station 4 dakong 1:45 ng madaling-araw nang barilin ang biktima.

Natutulog noon ang biktima sa kanyang barong-barong nang makarinig ang 15-anyos nitong anak ng dalawang putok ng ‘di mabatid na kalibre ng baril.

Agad itong bumangon at nang kanyang silipin ay duguan na ang kanyang ina.

Mabilis namang naipagbigay-alam sa pulisya ang pangyayari na noo’y nagroronda sa lugar at agad nagsagawa ng follow-up operation kung saan napansin na nagmamadaling umalis ang mga naarestong suspek na sina Umar Abdula alyas Anjon Ando, 25, ng Taguig City, at Joemar Advincula, 28, ng West Pembo, Makati.

Aminado naman si Ando na isa siyang hitman at binayaran siya ng mahigit P40,000 upang itumba si San Juan.

Hindi naman nito inamin kung sino ang nag-utos na patayin ang biktima.

Mariin namang itinanggi ng kaanak ng biktima na may kinalaman ito sa iligal na droga.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang tunay na motibo sa pamamaril. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

P1.3M pekeng sigarilyo, nakumpiska sa Lucena City

$
0
0

NAKUMPISKA ng awtoridad ang may P1.3-milyong halaga ng pinaniniwalaang pekeng sigarilyo sa isang warehouse sa Lucena City kaninang Linggo ng madaling-araw.

Sinabi ni Police Supt. Reynaldo Maclang, chief of police ng Lucena City-PNP, pagmamay-ari ang nasabing warehouse na nasa Brgy. 9 ng isang Chinese national na nakilalang si Andy Chua, 42.

Isang buwan aniyang minanmanan ang negosyante matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mismong mga residente sa naturang barangay hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng mga pekeng sigarilyo.

Dagdag pa ni Maclang, bitbit ng operating team ang search warrant laban kay Chua nang pasukin ang warehouse at tumambad ang higit sa 250 kahon na pinaniniwalaang fake cigarettes kagaya ng Philip Morris at Marlboro.

Ayon pa sa hepe, nakumpirma nilang peke ang sigarilyong binebenta ni Chua matapos ang isinagawang test buy at ipinadala sa main office ng dalawang cigarette manufacturer ang sample ng nabiling produkto at napatunayang peke ang mga epektus ni Chua.

Batay aniya sa imbestigasyon sa naturang Chinese national, sinabi nitong binabagsakan niya ng produkto ang mga karatig-bayan ng Lucena City.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Lucena City-PNP ang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito. BOBBY TICZON

Alaskador na tiyuhin, dedo sa pamangkin

$
0
0

DAHIL napuno na ang salop, pinagbabaril hanggang sa napatay ng isang lalaki ang kanyang tiyuhin na mapang-asar sa Ilocos Sur kahapon ng umaga, Sabado.

Dead-on-the-sapot sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Romeo Paiste, 59.

Sumuko naman agad at nahaharap sa kasong parricide ang suspek na nakilalang si Roger Paiste, 39, ng Brgy. Lingsat, Bantay, Ilocos Sur.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9 a.m. sa halos tapat ng bahay ng suspek.

Bago ito, nabatid na simula pa lamang noong elementary ay inaasar na ng suspek ang biktima dahil sa pagiging duling.

Kaya nang mapadaan ang biktima sa tapat ng bahay ng suspek ay walang sabi-sabi niya itong pinagbabaril.

Sa presinto, sinabi ng suspek na napanaginipan niya na sinaksak siya ng kanyang tiyuhin kaya naisipan na lamang niyang unahan ito. BOBBY TICZON

Seguridad sa Quirino Grandstand, hinigpitan na

$
0
0

MAHIGPIT na ang seguridad sa paligid ng Quirino Grandstand ngayong umaga.

Daang-daan deboto na rin ang matiyagang pumila na ang karamihan ay kahapon pa nag-antabay sa Quirino Grandstand sa kagustuhang mauna sa pila ng pahalik na inasahang madaling-araw pa ito uusad.

Gayunman, itinakda dakong alas-8:00 ng umaga pa idadaos ang pahalik sa imahe ng Poong Itim na Nazareno kaya naman marami sa mga deboto ang nagulat sa pagbabago ng oras ng pahalik.

Ganap na alas-7:00 ngayong umaga nagdaos din ng kauna-unahan o eksklusibong misa sa kasaysayan ng Traslacion para sa mga volunteers ng Pista ng Itim na Nazareno.

Ang misang ito ayon kay Alex Irasca, isa sa mga opisyal ng organizing committee ng taunang traslacion, ay upang mabigyan ng oportunidad ang mga volunteers na maranasan ang biyaya ng Señor Nazareno.

Partikular na iniaalay ang banal na misa sa mga pwersa ng pamahalaan partikular sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Gayundin sa mga volunteer mula naman sa pribadong sektor kabilang ang mga kawani ng media na magcocover ng okasyon at ang mga medical professionals.

Pagkatapos ng banal na misa na pangungunahan ni Fr.Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ay saka naman bubuksan ang pila para sa pahalik. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

18 katao inaresto sa dadaanan ng Traslacion

$
0
0

NASA 18 katao ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa ikinasang anti-criminality operation malapit sa dadaanan ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Palanca St., sa San Miguel, Maynila.

Ayon sa pulisya, kabilang sa inaresto ang tatlong nahulihan ng hinihinalang shabu at baril.

Nakilala ang tatlong suspek na sina Edres Guindolongan, Solais Mama, at Jommel Bora.

Si Guindolongan ay nakuhanan din ng 9 mm pistol habang ang iba’y nahuling nagsusugal sa kalsada.

Isinagawa ang operasyon kaugnay sa Traslacion 2018 upang matiyak ang seguridad ng mga dadalo sa prusisyon at sa kapistahan na rin ng Quiapo.

Kasong illegal possession of drugs ang isasampa laban sa tatlo, dagdag na kaso naman kaugnay sa paglabag sa gun ban ang kakaharapin ni Guindolongan habang illegal gambling naman sa iba pang nahuli. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

17-anyos tiklo sa panghahalay ng ina, kapatid sa QC

$
0
0

NASAKOT ang isang binatilyo matapos umanong gahasain ang sariling kapatid sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City kagabi, Lunes.

Bukod sa panggagahasa sa kapatid, tinangka rin umano nitong halayin ang kanilang ina.

Ayon sa ina ng biktima, habang binababa ang kanyang shorts ay binantaan siya ng anak hawak ang isang kutsilyo.

Buong akala niya aniya ay hihingi lamang ng pera ang binatilyo, pero nagsabi ito na gusto lamang niyang “maka-isa” sa kanyang ina.

Nabatid din na tinangka na ring galawin ng binatilyo ang kanyang ina noong nakaraang taon habang ito’y natutulog.

Kagabi lamang nalaman ng ina na hinalay din ng suspek ang 10-anyos na babaeng kapatid nito. JOHNNY ARASGA


Driver pinag-almusal saka inutas

$
0
0

TODAS ang isang 30-anyos na driver nang patraydor na pagbabarilin ng isang lalaki habang nag-aalmusal sa kanilang tahanan sa Tondo, Maynila.

Dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Andres Antoniano, alyas ‘Boying,’ matapos barilin sa ulo ng suspek na si Carlito Beran, alyas ‘Puti,’ 41, ng 886 Sto. Niño St., Tondo.

Sa ulat ni PO2 Jayson Emata, kay P/Supt. Jay Dimaandal, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, nabatid na dakong 4:00 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa harapan mismo ng bahay ng biktima sa 325 Coral St., Tondo.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Mary Ann Go, nag-aalmusal noon ang biktima nang sumulpot mula sa likuran ang suspek saka pinaputukan nang dalawang beses sa ulo at tumakas.

Sa imbestigasyon, posible umanong may kinalaman sa iligal na droga ang pagpatay sa biktima gayunman, patuloy pang inaalam ng pulisya ang tunay na motibo at kinaroroonan ng suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

P3M pera, alahas ninakaw, kasambahay tiklo

$
0
0

AABOT sa mahigit P3-milyong halaga ng pera at alahas ang tinangay ng isang kasambahay sa Brgy. Sun Valley, Parañaque City.

Sa imbestigasyon ng Parañaque Police, nadiskubre ng biktima na isang sales manager ang nagnakaw matapos ma-wrong send ng text ang kanyang babaeng kasambahay na 17-taong gulang.

Sa message na kanyang natanggap, nabatid na may kikitain na isang “Carl” ang kasambahay.

Pag-uwi ng biktima sa kanyang bahay ay sira na ang pinto sa kwarto at sinira rin ang padlock ng cabinet.

Nang busisiin ang kwarto, nawawala na pala ang kanyang P250,000 na cash at P3-milyong halaga ng alahas kabilang na ang dalawang mamahaling relo, singsing na may diamond, pearls, at ilang high-end bangles.

Paliwanag naman ng suspek, mayroon umanong tumawag sa kanya sa telepono na hindi niya kakilala at sinabing nakadisgrasya ang kanyang amo kaya siya nakipagkita sa lalaki at nag-abot ng pera. JOHNNY ARASGA

2-day drug ops, 5 dedo, 95 drug suspects huli

$
0
0

LIMA ang iniulat na nalagas habang 95 naman ang naaresto matapos ang 2-araw na anti-drug operation sa Bulacan simula nitong Miyerkules hanggang Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Bulacan Police Director Sr./Supt. Romeo Caramat, Jr. na ang mga napatay ay nakilalang sina alyas Popeye, at Arwin Dave Martin, alyas Daboy, ng San Jose del Monte City; Sonny Pablo, alyas Sonny Boy, ng Malolos City; Rommel Mercado, alyas Nog-Nog, ng Santa Maria town; at Christian Abarquez, ng Calumpit town.

Ayon kay Caramat Jr., napatay ang mga suspek nang kumasa sa mga pulis na nagsasagawa ng buy-bust operations at nagsisilbi ng search warrants at warrants of arrests.

Nagsimula aniya ang operasyon nitong Miyerkules hanggang Huwebes sa inilatag na 50 anti-illegal drug operations, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 170.949 gramo ng shabu at 21.86 gramo ng marijuana; at maging ang siyam na mga baril at isang hand grenade. BOBBY TICZON

Bagitong pulis, 2 kaanak dakip sa pag-aamok

$
0
0

SA kulungan ang bagsak ng isang bagitong pulis na si PO1 Marcos Lagui, kapatid nitong si William, at pinsan na si Daniel Guillermo na pare-parehong nakainom.

Ito’y matapos mag-amok ang tatlo sa Brgy. Claro, Quezon City.

Sapul sa CCTV ng barangay ang pag-iikot sa lugar ng tatlo.

Ayon sa barangay captain ng Claro na si Ronald Tagle, tila naghahanap ng away ang tatlong mga suspek matapos makainom.

Kwento ng isang residente, pinupuntirya ng tatlo ang mga kabataan sa lugar at naghahamon ng away.

Ayon pa sa isang tanod, bago pa magpaputok si Lagui ay sinita na niya ito ngunit hindi naman siya pinansin ng pulis.

Depensa naman ng magkapatid na Lagui, may isang lalaki na naunang nanuntok sa pulis kaya naman lamang sila rito.

Dahil sa naturang insidente ay mahaharap ang tatlo sa kasong alarm and scandal.

Ayon pa kay C/Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City Police District, posible ring matanggal sa pagkapulis si Lagui. JOHNNY ARASGA

Babae tiklo sa pagbebenta ng shabu

$
0
0

NAGPAPATRULYA ang mga kawani ng Brgy. Old Balara, Quezon City kagabi, January 11, nang mapansin nila ang isang nakaparadang taxi sa tabi ng kalsada sa tapat ng MWSS.

Nakabukas ang passenger side door ng taxi at sa labas nito ay nakatayo ang isang babae.

Agad na naghinala ang mga kawani ng barangay kaya naman nilapitan nila ito.

Naaktuhan nilang may hinulog ang babae mula sa kanyang nakahalukipkip na mga braso at nang tingnan ito ay nakitang isa pala itong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Agad na dinala sa himpilan ng Brgy. Old Balara ang babae at taxi driver para i-blotter.

Dahil hindi naman naaktuhan na nagtatransaksyon ang dalawa ay pinakawalan din ang taxi driver.

Ngunit teorya ng mga taga-barangay, gumagamit ng iligal na droga ang driver batay sa hitsura nito. Nakitaan rin ng lighter ang driver na walang cap na kadalasang ginagamit bilang drug paraphernalia.

Samantala, wala naman sa drugs watch list ng barangay ang babae.

Batay umano sa mga residente sa lugar, dati nang nagtutulak ng droga ang suspek ngunit nagtago nang magkaroon ng Oplan Tokhang at ngayon lamang bumalik sa pagbebenta ng droga.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang babae na nakapiit sa detention facility ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6. JOHNNY ARASGA

23 rebelde sumuko dahil sa gutom at pagod

$
0
0

DAHIL pagod na at kumakalam pa ang sikmura, sumuko ang 23 na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa munisipalidad ng Senator Ninoy Aquino (SNA), sa Sultan Kudarat.

Ang mga miyembro ng communist group mula sa Palimbang, Sultan Kudarat ay sumuko kina SNA Mayor Randy Ecija, Jr., Armed Forces of the Philippines 33rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Harold Cabunoc, Sen. Ninoy Aquino PNP OIC Chief Lemuel Clarete at iba pang barangay officials sa isinagawang turned-over program.

Sa 23, sinabi ni Lt. Col. Cabunoc na ang siyam ay mga miyembro ng armed wing, habang ang 12 naman ay mula sa Kilusang Rebolusyonaryong Barangay, at ang dalawang iba pa ay mula sa isang armed group sa SNA.

Isinuko rin ng grupo ang kanilang mga armas kabilang ang 4 na Garand rifles, 1 M14 rifle, 1 homemade rifle, 1 homemade pistol, 1e .45 pistol, 2 MK2 fragmentation grenades at isang smoke grenade.

Sinabi ni Mayor Ecija, Jr. na isang malaking psasalamat na ang kanyang lugar ang napiling pagsukuan ng mga NPA, at sa kabila na galing sila sa iba’t ibang lugar, tiniyak nito ang pagtulong sa mga rebelde at maging sa kanilang pamilya.

Kabilang din anya na makukuha ng mga sumukong rebelde ang pagbibigay ng livelihood at education sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Maka-avail din sila ng libreng pabahay dito sa ating munisipyo mula sa P34 million na worth ng housing project mula sa National Housing Authority na ipamimigay nang libre,” dagdag nito. BOBBY TICZON

Mayon volcano, nagbuga pa ng ash fall

$
0
0

SA ikalawang pagkakataon, muling pumutok  ang Mount Mayon sa Albay kaninang umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naganap ang ikalawang phreatic eruption dakong 8:49 a.m. at tumagal ito ng limang minuto.

Maliban sa steam at ash fall, nagbuga rin ang bulkan ng sulfurous odor at rumbling sounds na narinig ng mga residente ng Barangay Anoling sa Camalig town sa Albay, dagdag ng PHIVOLCS.

Dahil dito, itinaas ng ahensya ang alert level sa Mount Mayon mula 1 sa 2 kasunod ng naunang phreatic eruption nitong Sabado ng hapon.

“Alert Level 2 remains in effect over Mayon Volcano, which means that the current unrest is probably of magmatic origin, which could lead to more phreatic eruptions or eventually to hazardous magmatic eruptions,” pahayag ng Phivolcs.

Daan-daang mga residente na nakatira sa paligid ng bulkan ang inilikas na sa mas ligtas na lugar.

Sa hiwalay pang bulletin, sinabi ng Philvolcs na naitala ng kanilang seismic monitoring network ang kabuuang 78 rockfall events simula nang unang phreatic eruption ng hanggang Linggo ng alas 8 a.m.

Sa unang erapsyon, nakapag-produce ang Mount Mayon ng 2,500-meter-high ash plume na tinangay patungong southwest portion ng bulkan.

Ayon sa local authorities, may 16 barangays ang naapektuhan ng ashfall. BOBBY TICZON


5 paslit na ginagawang tulak ng ina, na-rescue

$
0
0

SAN FERNANDO, LA UNION – Limang magkakapatid na bata ang na-rescue ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-1 mula sa kanilang ina na umano’y gumagamit sa kanila bilang tulak ng iligal na droga sa Purok 3, Brgy. Sevilla, San Fernando sa nasabing lalawigan kahapon, January 14.

Kinilala ang PDEA-RO1 ang suspek na si Catherine Aballe, ng nasabing barangay.

Samantala, ang kasama ng suspek na si Ryan Mangilinan ay binitbit din at dinala sa opisina ng PDEA-RO1.

Sa imbestigasyon, nakatanggap ang intelligence report mula sa concerned residents mula sa nasabing barangay na si Aballe ay ginagamit ang mga anak na menor-de-edad upang makapagbenta ng shabu sa kanilang lugar at kalapit-barangay nito.

Agad na nagsagawa ng surveillance ang PDEA-RO1 at agad na inaresto ang suspek kasama si Mangilinan na nasa akto pang humihithit ng shabu sa loob ng kanilang bahay.

Ayon sa awtoridad, 11-anyos lamang ang panganay na anak nito at ang bunso ay isang taon pa lamang.

Ang mga bata sa ngayon ay nasa pangangalaga ng San Fernando City Social Welfare and Development Office (DSWO) at kasalukuya naman na kakakulong si Aballe at kinakasama nito sa PDEA-RO1 detention cell at nahaharap sa kasong anti-illegal drug act. ALLAN BERGONIA

Nurse tepok sa parak

$
0
0

TEPOK ang isang registered nurse matapos mabaril ng rumespondeng pulis sa loob ng isang restaurant sa loob ng isang mall sa Brgy. Tabunok, Talisay City.

Kinilala ang namatay na si Michelle Jeff Gabutan, 32, ng nasabing lungsod.

Nabatid kay PO1 Erwin Carmoncillo ng Talisay PNP na pumasok sa nasabing restaurant ang suspek at bigla na lang nagpaputok gamit ang .42 magnum revolver dahilan sa pag-panic ng mga tao.

Tinamaan ang isang management trainee na si Charity Cardiente sa kanyang tuhod at agad dinala sa Talisay District Hospital.

Ayon kay PO1 Carmoncillo, nirespondehan agad ng kanilang roving patrol ang nasabing insidente, ngunit imbis na sumuko ay nanutok pa ng baril si Gabutan sa pulis kaya ito nabaril.

Tinamaan sa dibdib ang nurse at dali-daling dinala sa ospital ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.

Nabatid na isang miyembro ng fraternity na Alpha Kappa Rho si Gabutan.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring insidente. JOHNNY ARASGA

Tsinoy patay sa ‘extra service’

$
0
0

ISANG 50-anyos na Filipino-Chinese ang binawian ng buhay nang atakehin sa puso matapos magpamasahe at extra service sa kanya ng dalawang massage therapist sa isang hotel, sa Malate, Maynila.

Hindi na umabot pang buhay sa Ospital ng Maynila si Thomas Ong, ng Room 504 Empire Plaza, Masangkay St., Sta. Cruz, Maynila.

Alas-9:30 ng gabi nang naganap ang insidente sa loob ng isang kilalang hotel sa Malate, Maynila sa 2177 Mother Ignacia St., Malate, Maynila.

Nauna rito, tinext ng biktima ang dalawang babaeng masahista na sina Sunshine, 26, at Heart , 34, at nagkasundo na magkita na lamang sila sa hotel sa Malate.

Sa record ng hotel, alas-7:00 ng gabi nang unang dumating si Sunshine at makalipas ang 30 minuto ay dumating na ang biktima sakay ng kanyang kotse at pumasok sa kinuhang silid.

Habang nasa loob naman ang dalawa ay dumating na rin si Heart at sinimulan ang pagmasahe ng sabay.

Matapos ang massage therapy ay humiling ng extra service ang biktima sa dalawang babae at matapos iyon ay nagpahinga na sa kama ang biktima.

Habang nakahiga ang biktima ay napansin ng dalawang masahista na nanginginig at mistulang inaatake ng sakit sa puso ang biktima kaya agad nilang ipinaalam sa manager ng hotel na si John Carlo Ilao na nagpasyang isugod sa nasabing ospital. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lending company manager, dedo sa panloloob

$
0
0

DAHIL hindi nabuksan ang vault, isang manager ng lending company ang pinagbabaril ng mga lalaking nanloob sa kanilang opisina sa Santiago City, Isabela kaninang Miyerkules ng umaga.

Namatay noon din sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Joel Calara, habang inaalam pa ng pulisya kung sinong grupo ng kawatan ang nsa likod ng pagpaslang sa biktima.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9 a.m. sa mismong opisina ng biktima sa Santiago City.

Ayon sa pulisya, nakapasok ang mga salarin sa opisina ni Calara sa pamamagitan ng pag-akyat sa puno at pagbutas sa bubong ng opisina.

Nang makapasok na ng opisina, nabigo ang mga salarin na buksan ang vault ng opisina kaya pinagbalingan si Calara at kinuha ang kanyang pitaka at cellphone.

Hindi pa nakuntento at sa sobrang pagkainis, binaril ng mga salarin si Calara saka tumakas.

Ayon pa sa pulisya, tinakpan ng mga salarin ang CCTV camera na nakaposisyon malapit sa entrance ng lending company na kanilang pinagdaanan para hindi mai-record ang buong pangyayari. BOBBY TICZON

Sabungero, itinumba sa Malabon

$
0
0

NAMATAY noon din ang isang lalaki, habang nagpapagaling naman ang kasama nito sa ospital matapos silang pagbabarilin ng anim na hindi pa nakikilalang mga salarin sa Brgy. Potrero, Malabon City.

Kinilala ang namatay na biktimang si Manuel Cruz, 59, ng Navotas City. Nasa Manila Central University (MCU) Hospital naman ang isa pang biktimang kinilalang si Cris Villanueva.

Sa inisyal na imbestigasyon, nanggaling ang dalawang biktima sa isang sabungan sa Del Monte Ave. at sakay ng isang motorsiklo.

Bigla na lamang sumulpot ang mga salarin na lulan ng tatlong motorsiklo at pinaputukan ang mga biktima.

Agad na nahulog mula sa motor si Cruz habang umarangkada naman ang rider na si Villanueva at patuloy na sinundan ng tatlong riding-in-tandem.

Agad na ini-report ng isang bystander sa mga nagbabantay na awtoridad ang tungkol sa pamamaril na silang sumunod sa mga ito. Ngunit mabilis na nakatakas ang mga suspek.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng 9mm, dalawang basyo ng kalibre 45 baril, at isang bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Lumabas rin sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na nasa drugs watchlist ng Navotas City Police Station si Villanueva. JOHNNY ARASGA/JOJO RABULAN

Viewing all 8129 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>