Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all 8129 articles
Browse latest View live

Multi million laboratory ng shabu sa Malabon nabuwag ng PDEA

$
0
0

NALANSAG ng mga otoridad ang sinasabing grupo ng “Dragon Drug Syndicate” na nag o-operate sa Pilipinas ang naresto ng mga tauhan ng PDEA dito sa #15 Dela Cruz St., Tinajeros, Malabon City kaninang umaga, April 13.

Pasado alas-7:00 ng umaga ng pangunahan ni PDEA Director Esmael Fajardo ng lusubin ang lumang gusali na inuupahan ng mismong pinuno ng grupo na si Xie Jlangsheng kasama ang kanyang driver na si Larry Santiago ng Marikina City .

Ayon kay Fajardo ang Dragon Wu ay pinangunahan ni Xie jasabwat sina Quilang Mecao Que Nini Hong Liang YL,Guo Zilxin Yue Halong Tian Baoquian Jilang Minshiang at John Doe Babalu, Richard Doe alyas Larry.

Isang katerbang mga chemical n a pangsangkap ng shabu ang kasalukujyan pa rin ininventaryo ng PDEA at pusibli pa umanong abutan ng mag hapon bago makumpleto

Dahil ditto ay nabigla umano at hindi nakapaniwala si barangay Chairman Alvin Mañalac na halos malapit lamang sa kanyang lugar ang naturang lumang gusali na inauupahan ng mga saupk

May mga tatak na A grace provident trading ang mga nakaparadang sasakyan sa loob ng malaking bahay na ayon sa mga katabing bahay laging nakasara ang lugar at sa tuwing madaling araw lang nagbubukas ng garahe

Sinasabing multi millones ang mga kagamitan sa sinasabing laboratory ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad. ROGER PANIZAL


Bangka lumubog, 20 pasahero nasagip

$
0
0

LUMUBOG ang isang bangka sa karagatang sakop ng Catbalogan, Samar kagabi kung saan nasagip ang 20 pasahero nito ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa ipinarating na ulat ng PCG Catbalogan sa tanggapan ng PCG-main (Manila), patungo sa Catbalogan ang naturang bangka mula sa Daram, Samar nang magkaaberya pasado alas-6 ng gabi.

Dahil malapit na sa daungan ng Catbalogan ang bangka kaya agad na nakahingi ng tulong ang isa sa mga sakay nito sa mga tauhan ng coast guard Catbalogan.

Mula sa nasabing bilang ng nailigtas, kabilang dito ang isang taong gulang at apat na taong gulang na mga bata.

Nabatid na hinampas ng malalaking alon ang bangka kaya pinasok ng tubig hanggang tuluyang lumubog.

Pawang mga nasaaayos nang kondisyon ang mga pasahero na dumaan sa pagsusuring medikal.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng PCG na overloaded ang bangka dahil nasa 10 katao lamang ang kapasidad nito o maaring maisakay.

Pinag-aaralan na rin ng PCG kong may pananagutan ang operator ng bangka. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

5,000 barangay nasa PNP election watch list

$
0
0

SINABI ng Philippine National Police na mahigit sa 5,000 mga barangay sa bansa ang isinailalim nila sa election watch list areas kaugnay sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa May 14.

Ang nasabing bilang ay dumaan sa ginawang evaluation ng Directorat for Intelligence ng ayon kay PNP Spokesman CSupt. John Bulalacao.

Inilagay umano nila sa kanilang watch list ang mga barangay na mayroong mataas na kaso ng kriminalidad.

Kasama rin dito ang mga beripikadong political rivalry, pagkakaroon ng mga armed groups, drug prone areas at hindi mapigil na aktibidad ng mga rebelde.

Hinati umano nila sa iba’t ibang kategorya ang nasabing mga barangay sa kanilang watch list at ang pinakatinututukan nila s amga ito ay ang mga lugar na pinagkukutaan ng mga armadong grupo.

Kabilang sa mga rehiyon na binabantayan ng PNP ay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao, Central Luzon at Bicol Region. JOHNNY ARASGA

Comelec nagpaalala sa tamang paglalagay ng checkpoint

$
0
0

NAGPAALALA ang Commission on Elections (Comelec) sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng tamang paglalagay ng mga checkpoints kasabay na rin nang pagsisimula na kahapon ng nationwide gun ban, para sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, ang mga checkpoints ay kailangang nakapwesto sa mga lugar na may sapat na ilaw upang kaagad silang makikita ng publiko.

Dapat din aniyang may malaking plakard at makikita ang nakasulat na “COMELEC Checkpoint.”

Dapat ring mababasa ng malinaw ang pangalan at numero ng election officer at station commander na in-charge doon.

Dagdag pa ni Jimenez, kailangan din na naka-uniporme ang mga pulis na nagbabantay sa bawat checkpoint at pawang “plain view” o “visual search” lamang ang isasagawa ng mga ito.

Ang gun ban ay awtomatikong ipinatutupad kasabay nang pagsisimula ng election period sa bansa, na nagsimula na kahapon at magtatapos sa Mayo 21. MACS BORJA

2 drug pusher arestado sa buy-bust sa Malabon

$
0
0

TIMBOG ang dalawa na sinasabing drug personalities kabilang ang isang babae sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga awtoridad kaninang madaling-araw April 14 Malabon City,

Kinilala ni Malabon police head of Station Drug Enforcement Team (SDET) Sr. Insp. Carlos Cosme Jr. ang mga suspek na sina Shyneth Herrera, 40-anyos ng 114 Pineapple Road at Romeo Bombase alyas “Chong”, 48 ng Doña Juana St., kapwa ng Brgy. Potrero.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Aires Manansala, dakong alas-4:20 ng madaling-araw nang ikasa ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng SDET, PCP-2, PDEA-Camanava at Air Intelligence Security Wing Group (AISWG) ang buy-bust operation laban kay Bombase sa kahabaan ng Doña Juana na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober sa suspek ang dalawang plastic sachet ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at buy-bust money.

Samantala pasado alas alas-2:20 ng naman ng madaling araw nang unang maaresto din ng pinagsamang naturang mga grupo sa ikinasang buy-bust operation sa kahabaan ng Banana Road si Herrera.

Nakuha kay Herrera ang limang plastic sachet na hinhinalang shabu at ang buy-bust money. ROGER PANIZAL

Ginang, arestado sa pagnanakaw ng panty sa isang mall

$
0
0

DINALA ng security guard ng SM Mart Incorporated sa himpilan ng Malate Police Station(PS-9) ang isang ginang matapos umanong magnakaw ng SO-EN na panty.

Kinilala ang suspek na nangharbat ng naturang underwear brand na nagkakahalaga ng mahigit P300 ay si Eirren Lavaries, 34-anyos, residente ng 2062 Smith Street, Malate Manila.

Batay sa imbestigasyon ni Police Chief Inspector Wilson Villaruel na habang nasa Children Section ang suspek na si Eleperia sa ikatlong palapag ng SM Department Store ay kumuha ito ng isang piraso ng SO-EN underwear at inipit sa kanyang kili-kili.

Lingid sa kaalaman ni Eleperia ay minamanmanan na pala siya ng civilian security guard na si Reymar Pavia na siyang humuli sa suspek.

Kasong theft sa pamamagitan ng shoplifting ang kahaharapin ng suspek sa Manila Prosecutors office. JOHNNY ARASGA

Pulis dedo sa reckless na driver

$
0
0

NASAWI ang isang pulis-Crame matapos mabasag ang bungo at magkaba-bali ang buto makaraang masagi ang minamanehong motorsiklo nang isang rumaragasang Honda City na minamaneho ng isang bebot sa Quezon City, kaninang umaga Abril 14, 2018 (Sabado).

Ang biktima ay nakilalang si PO3 Nasrudin Banto, miyembro ng PNP at nakatalaga sa PSPG Camp Crame. Siya ay namatay habang ginagamot sa PNP General Hospital.

Agad namang sumuko ang nakabundol sa pulis na nakilalang si Jacquiline Go Yu, dalaga, 35-anyos, online retailer at naninirahan sa No. 80 Dapitan St., Brgy. Lourdes, Quezon City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector, ang aksidente ay naganap dakong alas-6: 25 ng umaga sa harapan ng Variant Security Training Center na matatagpuan sa Col. Boni Serrano Ave., near corner 3rd Avenue, Bgry. Bagong Lipunan, ng nasabing lungsod.

Sakay umano ng Honda motorcycle (1724-TF) ang pulis at habang binabaybay ang kahabaan ng Col. Boni Serrano galing ng southbound Edsa at patungong 3rd Ave, nang biglang banggain ng sinasakyang Honda City (na may conduction sticker no. EO U006) na minamaneho ni Yu.

Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang pulis at bumagsak sa windshield ng sasakyan ni Yu bago duguang bumagsak sa konkretong semento sa nasabing lugar.

Inihahanda na ang kasong ‘vehicular accident resulting in damage to property with homicide’ laban kay Yu. SANTI CELARIO

Chief Bato, naging emosyonal sa kanyang huling flag raising sa Camp Crame

$
0
0

NAGING emosyonal si PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa sa kanyang huling flag raising ceremony na dinaluhan sa Camp Crame.

Ayon kay Bato, taos pusong nagpasalamat si Dela Rosa sa mga pulis na kanyang nakasama sa halos dalawang taon niyang panunungkulan bilang ama ng pambansang pulisya.

Paliwanag ni Dela Rosa, noong una raw ay excited siya sa kanyang retirement na unang nakatakda noong Enero pero nagbago ang ihip ng hangin ng ma-extend ang kanyang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, ngayong bilang na ang araw nya ay gusto niya bumagal ang oras. Gusto nya rin daw na samantalahin ang pagkakataon na suot niya ang kanyang uniporme dahil mahal na mahal nya ito.

Samantala, humingi naman ng paumanhin si Dela Rosa sa kanyang pagkukulang at kung may mga nadismaya man sa kanyang trabaho.

Kasunod nito, hinikayat naman ni Dela Rosa ang buong PNP na suportahan si NCRPO Director Oscar Albayalde na papalit sa kanyang pwesto. JOHNNY ARASGA

 


Hinamon ng suntukan, inatake, patay

$
0
0

BAGO pa man dumapo ang kamao ng isang 36-anyos na aircon technician nang atakehin sa puso nang hamunin ng away ng kanyang kapitbahay sa Sampaloc, Maynila kagabi.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Ryan Guillen, may-asawa ng 925 Gerardo St., Sampaloc, Maynila.

Naaresto naman sa isang follow up operation ang suspek na si Jeffrey Loma, 31, binata, ng 1000 Bohol St., Sampaloc, Maynila.

Lumabas sa imbestigasyon ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD) homicide section na dakong 10:00 ng gabi nang naganap ang insidente sa isang bahay sa Bohol Ave., Sampaloc, Maynila.

Kainuman umano ng biktima ang pito pa nitong barkada sa loob ng bahay ng isa sa kanyang kainuman nang sumugod ang galit na galit na suspek at hinamon ang biktima at sinabing ” Ryan, suntukan tayo, magtulong pa kayo ni Wilson”.

Dahil kargada na ng alak ang biktima, pinatulan nito ang suspek subalit bago pa man makalapit ay natumba na ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

11 menor de edad huli sa bagansya

$
0
0

AABOT sa labing-isang menor de edad na kabataan ang dinakip ng mga pulis at Brgy. Official habang nag-iinuman umano sa mga pampublikong lugar sa Quezon City kahapon ng madaling-araw, Abril 16, 2018 (Lunes).

Ayon sa hepe ng Quezon City Police District station 3 Talipapa Supt. Danilo Mendoza ang mga dinakip na nakabataan na pawang may edad na 13-anyos hanggang 16-anyos ay nag-iinuman sa pampublikong lugar.

Sinabi sa ulat na dinakip ang mga naturang kabataan sa mga lugar ng Brgy. Baesa,QC dakong alas-12:00 ng hating gabi hanggang 3:40 ng madaling-araw.

Nabatid kay Mendoza na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Talipapa police laban sa mga kabataan na nagi-inuman sa kalye at naka-istambay sa dis- oras ng gabi kasama ang Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy.Baesa, Station Women and Children Protection Desk Talipapa police.

Ayon sa QC police ang naturang operasyon ay inilunsad bilang Rid the Streets of Drunkards and Youth (Oplan Rody).

Dinala ang mga dinakip na kabataan sa Barangay Children Protection Center ng Brgy. Baesa para pangaralan ang mga naturang kabataan. SANTI CELARIO

Chinese na tumangay sa pinagkatiwala na P3.2M, arestado

$
0
0

ISANG Chinese national na tumatayong runner ng kanyang kabaro na financier sa casino ang inaresto matapos itakbo ang  P3.2 milyon cash na ipinahawak sa kanya sa Sucat, Paranaque.

Hawak na ng Manila Police District -General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang suspek na si Sha Ran Cue, 28 ng Libertad St., Pasay City .

Dakong alas-7 ng gabi ng maaresto ang suspek habang naglalakad sa Old Sucat Road ,Paranaque City.

Ayon kay PO3 Jayjay Jacob, may hawak ng kaso, inireklamo ang suspek ng mga biktimang sina Xiang Wang, 30; Along Lee, 30; at Aaron Tan, 35 na pawang mga Chinese nationals at casino financiers.

Nabatid na Abril 2 nang mangyari ang insidente sa loob ng Robinson Place, Ermita, Maynila.

Kumakain umano ang mga biktima nang ipahawak ni Wang sa suspek ang bag na naglalaman ng pera dahil sa tawag ng kalikasan.

Gayunman, pagbalik ay wala na ang suspek at hindi na nagpakita sa mga biktima.

Hindi rin napansin ni Lee at Tan ang biglang paglaho ng suspek.

Nang matiyempuhan naman ng ilang kakilala ng mga biktima ang suspek na naglalakad sa lugar ay agad itong dinakma saka dinala sa pulisya.

Sinampahan ng qualified Theft ang suspek sa Manila Prosecutor Office. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Sekyu namatay sa loob ng binabantayang bangko

$
0
0

WALANG buhay ng matagpuan ang isang security guard sa loob ng bangko nitong binabantayan Lunes ng hapon, April 16 sa Malabon City

Kinilala ni Malabon police Insp. Ferdinand Espiritu ang biktima na si Virgilio Isales, 39 ng B L-21 Phase 3 E-1 Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Rockymar Binayug, dakong alas-3:45 ng hapon, nagtungo si Gloryann Santillana, 29, empleyado ng United Coconut Planters Bank (UCPB) branch operation officer na matatagpuan sa M. H Del Pilar, Brgy. Tugatog at nakita nito si Isales na nakahandusay sa loob.

Tinawag nito ang biktima subalit hindi ito tumutugon kaya tinawagan nito si Anna Chico, 33, sales officer ng UCPB na may hawak ng duplicate na susi ng UCPB bago humingi ng tulong kay Joey Matangihan, Public Safety Management Office (PSTMO).

Sinubukang buksan ni Chico ang main door gamit ang duplicate na susi subalit nakakandado ito sa loob kaya inatasan na nito si Matangihan na sirain ang pinto.

Pagdating ng mga tauhan ng Malabon rescue, nirevive ng mga ito ang biktima ngunit hindi ito tumutugon kaya mabilis itong isinugod sa MCU hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Hinihintay pa ang resulta sa autopsy examination sa bangkay ng biktima upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. ROGER PANIZAL

Retired police arestado sa panunutok ng baril at paglabag sa Comelec gun ban

$
0
0

INARESTO ang isang retiradong pulis matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at paglabag sa Comelec gun ban kagabi Abril 16, 2018 (Lunes).

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang dinakip na si Robertson Cruz Estrella, 63, retired Police Officer 1 (PO1) at residente ng No.53 Siling Bata, Pandi, Bulacan.

Ayon sa ulat ng Batasan Police Station 6 sa pamumuno ni Supt. Rossel Cejas dakong 6:25 ng gabi nitong nakalipas na Lunes ang suspek ay kabilang sa pasahero ng UV Express na minamaneho ni Melchor Tanalgo at nang makarating sa Commowealth Avenue, Brgy. Batasan Hills sa harap ng Commission on Audit (COA) Bldg. ang naturang sasakyan ay pinahinto ng Traffic Constables ng MMDA na sina Christopher Bangalisan at Wilson Balceta dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Subalit nakialam si Estrella sa naturang insidente at nakipagtalo sa mga traffic constables ng MMDA at bumunot ng baril at itinutok sa huli.

Agad naman humingi ng police assistance sa dalawang traffic constables sa Batasan Police station na agad rumespondi at inaresto ang suspek.

Nakumpiska mula kay Estrella ang isang Armscor caliber .45 pistol at 13 bala subalit nabigong makapagpakita ito ng exemption papers mula sa Comelec gun ban.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code ang suspek na si Estrella. SANTI CELARIO

Hepe ng MPD station 9, 17 iba pa sibak sa extortion

$
0
0

SINIBAK na sa puwesto ang 18 pulis ng Manila Police District-Police Station 9 kabilang ang Hepe nito matapos maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat nitong tauhan na nangikil umano sa isang Egyptian national sa loob ng isang convenience store sa Malate, Maynila kamakailan.

Kabilang sa mga nasibak sina PSupt. Eufronio Obong, Hepe ng MPD-PS 9 at 17 pa nitong tauhan.

Iginiit naman ni Obong na wala siyang alam sa umano’y ginawang pangingikil ng kanyang mga tauhan.

“Nagsarili ng mga lakad ‘yan. Personal nila ‘yan, hindi ko actually kilala personally ang mga ‘yun, kung ano man mentalidad ng mga ‘yan,” ayon kay Obong.

Matapos makarating sa tanggapan ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel ang pagkakaresto apat na tauhan ng MPD-PS 9, agad nitong ipinag-utos na imbestigahang mabuti ang mga sangkot na pulis na aniya’y nakakasira sa imahe ng kapulisan.

Matatandaang naaresto noong Biyernes ng NBI sa isang entrapment operation ang mga Malate police na sina SPO3 Ranny Dionisio, PO 3 Richard Bernal, PO1 Elequiel Fernandez, at PO1 Arjay Lasap.

Ito ay matapos magreklamo sa NBI ang Egyptian national na si Amir Azab na hiningan ng muna ng P200,000 hanggang magkatawaran at bumaba sa P50,000 matapos akusahan na tumanggap ng shabu sa isang babae.

Nag-isyu umano ng tseke si Azab sa mga pulis at muli siyang kinontak para palitan ng cash ang inisyung tseke.

Iniimbestigahan na rin ng MPD at ng Philippine National Police Internal Affairs Service ang kaso.

Habang nakakulong na ang apat na pulis at nahharap sa kasong robbery extortion. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

5 insidente ng pagpatay posibleng may kinalaman sa eleksyon

$
0
0

LIMANG insidente ng pagpatay ang tinitignan ngayon ng Philippine National Police kung may kaugnayan sa magaganap na halalan sa Mayo.

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao na limang insidente na ng pagpatay ang kanilang naitala na posibleng election related.

Ito ay dahil pawang mga barangay officials ang biktima o suspek sa mga insidente.

Sa ngayon nasa mahigit 5,700 na mga barangay ang itinuturing ng PNP na election binabantayan sa lugar. Sa nasabing bilang pinakaraming barangay ay mula sa Region 5.

Sinabi ni Bulalacao na sesentruhan ng PNP ang mga lugar na nasa election watchlist dahil sa mainit na sitwasyon ng pulitika. JOHNNY ARASGA

 


Ex-budget officer ng SAF nagsauli ng P37M

$
0
0

P37 milyong ang umano’y isinauli ng dating budget officer ng Special Action Force (SAF) na si Senior Supt. Andre Dizon.

Ito ang kinumpirma ni outgoing PNP Chief Ronald Dela Rosa sa gitna ng kontrobersya ng umano’y “nawawalang” P60 milyong pondo ng SAF para sa subsistence allowance.

Kasunod nito, sinabi ni Dela Rosa inamin sa kaniya ni dating SAF Director Benjamin Lusad na hindi nito natutukan ng husto ang problema sa subsistence allowance ng mga SAF troopers dahil mas naging abala siya sa mga operational matters sa field.

Kaniya ring sinabi na ang pondo ay hindi naman talaga nawawala pero hindi lang naibigay sa mga tropa.

Sa tanong naman kung bakit P37 million lang sinbi ng pinuno ngaun ng SAF na si Dir. Noli Taliño na hindi pa naman talaga malinaw kung P59 million talaga ang kabuuang halaga mg allowance na umanoy hindi naibigay.

Pero sa ngayon, sinabi nya na sinimulan na nila ang pamamahagi sa SAF ng subsistence allowance na P30 kada araw o P900 bawat buwan. JOHNNY ARASGA

 

Notorious na Nanad Group nalambat ng pinagsanib na pwersa ng NBI at PDEA

$
0
0

NAARESTO ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang “NANAD group” na kilalang nag-ooperate ng drug trade sa Cavite at Pasay City.

Bitbit ang search warrant na ibinaba ng Bacoor, Cavite Regional Trial Court branch 89, isinagawa ang operasyo na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek na sina Maynard Alfaro, dating Brgy. Chairman sa Pasay City, at mga kapatid nitong sina Jonathan Alfaro, Archie Alfaro.

Arestado rin ang dalawang kasamahan nila na sina Romeo Laurenaria Jr., at Henry Moyano. Nakuha mula sa mga ito ang 1 kalibre 40 na pistol, glock 23 pistol, mga drug paraphernalia,ilang sachet ng iligal na droga, mga ID at mga bala. Mahaharap sa patong patong na kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act, paglabag sa Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

3 wanted person arestado sa Kyusi

$
0
0

ARESTADO ang tatlong umano’y wanted person kabilang ang isa pa habang kumukuha ng Police Clearance sa Quezon City Hall Complex Diliman, Quezon City kahapon ng umaga bril 17, 2018 (Martes).

Kinilala ni Quezon City Police District Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si Jayson Fuentes, 38, residente ng No. 124 Senatorial St., Brgy. Batasan Hills,QC na inaresto habang nag-aapply ng police clearance dakong alas-9:05 ng umaga nitong April 17, 2018 sa QCPD Police Clearance Section sa QC City Hall sa pangunguna ni PCI Rodel C Maritana.

Ayon sa ulat nakita sa records na may ‘hit’ ang pangalan ng suspek sa e-subpoena data system na may standing warrant of arrest ang suspek dahil sa kasong qualified theft, sa sala ni Judge Rizalina T. Capco, ng Regional Trial Court, Branch 212, Mandaluyong City, at may piyansang P24,000, dahilan upang arestuhin ito.

Habang ang 2 naman na wanted persons ay naaresto ng QC Batasan Police Station (PS-6) sa ilalim ni Supt. Rossel Cejas sa bisa ng warrant of arrest.

Naaresto sina Noe Drio, 44 ng No. A-2 Area 4, De Gloria Extension, Taniman, Brgy. Batasan Hills, at si Daniel Ag-og, 65, ng Area B-2 De Gloria Extn. B, Talanay,Brgy.Batasan Hills, dakong alas-8:45 ng gabi dahil sa paglabag sa city ordinance number 595, S-2015 (Riding in Tandem) na nilagdaan ni Judge Karen Maramba-Firme at may nakalagdang bail na halagang P2,000 . SANTI CELARIO

Babae inatake sa kasagsagan ng lambingan, patay

$
0
0

ISANG babae ang namatay matapos atakehin di-umano ng sakit sa puso habang nasa kasagsagan umano sa loving loving sa ka-date nito sa loob ng Primas Inn sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police Sr. Insp. Ferdinand Espiritu, ang biktima ay tinatayang nasa 20 hanggang 30 ang edad, maliit ang pangangatawan, 5’1 ang taas, nakasuot ng pink shirt at asul na maong pants.

Base sa naantalang report ni PO2 Rockymar Binayug, dakong alas-3:54 ng hapon April 15 nang mag check-in ang biktima kasama ang isa umanong “Joel Revilla” sa room No. 17-C ng Primas Inn na matatagpuan sa kahabaan ng Mc Arthur Highway, Brgy. Potrero.

Pagkatapos, iniwan ng lalaki ang biktima sa loob ng kuwarto hanggang sa marinig na lamang ng naka-duty na room boy na si Alvin Labong, 24 ang babae na humihingi ng tulong dakong alas-7:45 ng gabi.

Nang tignan ni Labong, nakita nito ang biktima na nahihirapan huminga habang hawak-hawak ang kanyang dibdib kaya humingi ito ng tulong sa cashier na tumawag naman sa Police Community Precinct 2 at mga barangay tanod.

Sa isinagawang cursory examination ng mga tauhan ng SOCO-NPD sa pangunguna ni PCI Charyl Escaro, walang nakitang sugat sa katawan ng biktima.

Patuloy ang isinasagawang follow up investigation ng mga awtoridad at hinahanap ang lalaking nakasama ng biktima sa loob ng nasabing motel. ROGER PANIZAL

Traffic enforcer, binaril sa satellite office

$
0
0

SA loob mismo ng satellite office pinagbabaril ang isang traffic enforcer ng di kilalang suspek sa Binondo, Maynila.

Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Tranquilino Vuelga, 61, Officer-in-Charge (OIC) ng MTPB Task Force Parola.

Inilarawan naman ang hindi nakilalang suspek na nakasuot ng stripe na puting t-shirt, maong pants, bull cap at nasa hanggang 5’5″ ang taas.

Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 11, naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng tanghali sa kanilang satellite office, na matatagpuan sa Barangay 275, Parola Compound sa Binondo.

Sa imbestigasyon, kasalukuyang nasa loob umano ng kanilang satellite office nang biglang sumulpot ang suspek na naka-face mask at nakasumbrero.

Agad umano nitong pinagbabaril ang biktima bago tuluyang tumakas kung saan kaswal lamang itong naglakad at tumawid sa kalsada.

Tinitignan na rin ng pulisya ang mga CCTV sa lugar upang malaman kong nahagip ang pagpasok at labas ng suspek sa naturang opisina.

Ilaanam din kong ano ang motibo sa pamamaslang sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Viewing all 8129 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>