TATLO katao ang nalitson nang buhay kabilang ang 10-anyos na batang babae habang tatlo naman ang nasugatan sa sunog na naganap sa Quezon City, Abril 23, 2018.
Sa report na natanggap ni Quezon City Fire Marshall Sr. Supt. Manuel Manuel, nakilala ang mga nasawi na sina Paulina Santos,55, Rachel Ann Santos, 24 at Raizel Redito,10-anyos; pawang residente ng Roque 1 Ext., Brgy. Pasong Tamo,QC.
Ayon sa bureau of fire ang tatlong nasawi ay nakulong sa naglalagablab na apoy at nalitson nang buhay.
Nakilala naman ang mga nasugatan na sina Juanita Redito,65,Mark Gabriel Ledesma,27 at Antonio Entico,62 , pawang nakatira sa Roque 1 Ext., ng nasabing Barangay.
Sila ay isinugod sa East Avenue Medical Center matapos magtamo ng 2nd degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Manuel naganap ang insidente dakong alas–11:43 ng gabi, nang sumiklab ang apoy mula sa gatong na lutuan sa kusina ng ikalawang palapag ng bahay ng mag-asawang Raymond at Soledad Redito.
Mula sa bahay ng mag-asawa, mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ng apoy 15 pang kabahayan sa lugar.
Mabilis namang nagresponde ang mga fire trucks, kabilang ang mga volunteer fire brigade mula sa Metro Manila at naapula ang apoy bandang alas–12:55 ng hatingggabi. SANTI CELARIO