SINIBAK kaninang umaga Mayo 4, 2018 (Biyernes) sa puwesto ang hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Quezon City Police Galas at ang siyam na tauhan nito dahil umano sa pangingikil sa isang hinihinalang drug suspek na nadakip sa Quezon City.
Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Camilo Pancratius P. Cascolan ang pagsibak sa puwesto kay Police Chief Inspector Erwin Guevarra, chief ng SDEU ng Galas police station at ang siyam na tauhan nito na sina PO2 Noel Sanchez, PO1 Edward Ramos, PO1 Michael Eric Ramirez, PO1 Ray John Rodriguez, PO1 Gaudencio Escoton Jr, PO1 Sepzon Suclad, PO1 John Ryan Rodriguez, PO1 Dennis Eria and PO1 Leny Atma.
Iniutos ni Director Cascolan ang pagsibak sa puwesto sa mga naturang pulis at mahigpit na binabantayan ang mga ito sa district headquarters ng Camp Karingal habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Kasama din sinibak ang station commander ng Galas police station na si Supt. Igmedio Bernaldez dahil sa command responsibility.
Ipinag-utos din ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr. ang pagsasampa ng kasong administratibo sa mga naturang pulis.
Nag-ugat ang pagsibak sa mga naturang pulis matapos umanong magreklamo ang isang Lorenzo Miguel Soriano kaanak ng isa sa tatlong dinakip na drug suspek ng magtungo sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal dakong alas-5:30 ng hapon nitong nakalipas na Mayo 3, 2018 (Huwebes) at sinabi na ang mga pulis na dumakip sa kanilang kaanak ay humihingi ng pera para sa kalayaan ng mga dinakip.
Ayon pa sa ulat dakong 4:30 ng umaga ng naturang araw at petsa ang tiyuhin ni Lorenzo na si Flexis Jeffrey Soriano, 40, negosyante at driver nito ay dinakip ng mga pulis dahil sa kasong illegal drugs at illegal possession of firearm sa isinagawang buy bust operation ng Galas police anti-drug personnel sa E. Rodriguez cor. Tomas Morato, Brgy. Kristong Hari, QC.
Dinala ang mga dinakip na suspek sa Galas Police station 11 headquarters at humingi umano ang mga pulis ng halagang P200,000 kapalit ng paglaya ng mga dinakip.
Ang naturang halaga ay dinala umano ni Lorenzo Soriano dakong alas 9:20 ng umaga sa loob ng SDEU office ng Galas police at sinabi sa kanya na maghintay sa labas para sa paglaya ng kanyang tiyuhin.
Dakong alas 4:00 ng hapon ng naturang araw muling humingi umano ang dagdag na P100,000.00 ang mga humiling pulis kay Lorenzo dahilan para humingi na ito ng police assistance.
Bunsod nito nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na operatiba ng District Intelligence Division (DID), District Special Operations Unit (DSOU) at Special Reaction Unit (SRU) na nagresulta ng pagkakadakip ng mga naturang pulis sa loob ng Galas police station.
Bukod sa kasong criminal na robbery/extortion, nahaharap din ang mga naturang pulis sa kasong administratibo. SANTI CELARIO